ISA na namang taon ang lumipas, isa na namang taon ang nagbukang-liwayway. Kapanalig, ang pagbabagong ito ay may dalang pag-asa, bagong pag-asa na nagmula hindi kahit sa sinumang pulitiko, kundi mula sa atin. Upang maramdaman ang pag-asang ito, marapat na tapusin natin ang taon na puspos ng pasasalamat.

Sa nagdaang 2015, hindi lamang mga problemang pulitikal ang hinarap ng ating bayan. Nakatanggap din tayo ng napakaraming biyaya.

Maraming pilantropo sa ating bansa ang kumilos noong 2015 upang maibsan ang gutom, mabigyan ng tirahan, tubig at kuryente ang marami nating kababayan.

Ang Hapag-asa, halimbawa, ay isa sa mga grupo na kumikilos sa ating bansa upang mabigyan ng pagkain ang ating mga kababayan. Ang kanilang feeding program, na pinapatakbo sa pamamagitan ng ating mga dioceses ay nagpakain na ng libu-libong bata sa iba’t ibang lugar sa bansa. Pinagtuunan din nila ng pansin ang mga lugar na nasalanta ng mga sakuna gaya ng bagyo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May mga organisasyon din na nagpapatakbo ng mga housing projects sa bansa na tumutulong sa ating mga kababayan upang magkaroon sila ng disenteng tirahan. Ang mga nangunguna rito ay ang Habitat for Humanity at Gawad Kalinga.

Tumutulong sila na mabawasan ang housing backlog sa ating bayan na tinatayang umaabot na sa 5.5 milyon.

Mayroon ding mga organisasyon na tumutulong sa marami nating mga kababayan na makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng social enterprises at pagtulong sa paghahanap ng trabaho. Ang Caritas Manila, bukod sa kanilang mga relief at humanitarian works ay may mga programang gaya ng Caritas et Labora, Caritas Salve, at Caritas Livelihood and Iskils.

Ang Caritas et Labora ay tumutulong upang makahanap ng direct employment ang ating mga kababayan. Ang Caritas Salve naman ay tumutulong sa maralita sa pamamagitan ng self-employment at micro enterprise. Ang Caritas Livelihood and ISkils naman ay nagtuturo sa maraming Pilipino ng mga kasanayan na maaari nilang pagkakitaan.

Maging gabay at inspirasyon nawa natin ang mga kataga mula sa Gaudium et Spes na nagsasabing: “Faced with a world today where so many people are suffering from want, the council asks individuals and governments to remember the saying of the Fathers: “Feed the people dying of hunger, because if you do not feed them you are killing them, and it urges them according to their ability to share and dispose of their goods to help others, above all by giving them aid which will enable them to help and develop themselves.”

Mapagpalang Bagong Taon! Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)