Mahigit 300 katao, na karamihan ay bata, ang nabiktima ng paputok habang isa ang kumpirmadong patay sa pagsalubong sa 2016, ayon sa Department of Health (DoH).

Ayon sa DoH, ang naturang bilang ay naitala mula Disyembre 21 hanggang 6:00 ng umaga kahapon, Enero 1.

Mas mababa naman ito ng 53 porsiyento kumpara sa naitala nilang kaso noong 2015, at mas mababa ng 57 porsiyento kumpara sa naitalang 5-year average.

Sa naturang kaso, 380 ang nasugatan dahil sa paggamit ng ilegal na paputok habang apat ang tinamaan ng ligaw na bala.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pinakamarami pa ring nabiktima ang piccolo na umabot sa 219.

Dahil dito, isinusulong na ngayon ng DoH ang tuluyang pagpapatigil sa pagpasok ng piccolo sa bansa.

Iniulat din ng kagawaran na 50 katao ang nasugatan sa mata habang ang natitirang iba pa ay nasugatan sa kamay at mukha, at siyam na bata ang kinailangang putulan ng daliri.

Karamihan sa mga biktima ay 14-anyos pababa at karamihan rin sa mga biktima ay lalaki.

Samantala, binawi naman ng DoH ang ulat na isang siyam na taong gulang na babae ang nasawi dahil sa ligaw na bala sa Norzagaray, Bulacan.

Ayon kay Health Secretary Janette Garin, itinuturing nilang aksidente ang pangyayari nmatapos na aminin ng kuya ng bata na aksidente niya itong nabaril.

Ikinalulungkot naman ni Garin na sa kabila ng pagbaba ng bilang ng nasugatan sa paputok, may isa ang kumpirmadong nasawi.

Ayon sa ulat ng Homicide Section ng Manila Police District, isang sidecar boy ang nasawi nang yakapin at masabugan nang sinindihang “Goodbye Philippines” sa Maynila, nitong Huwebes ng gabi.

Isinugod pa sa ospital si Ronald Vericio, 45, ngunit nasawi rin dakong 1:45 ng madaling araw dahil sa tinamong matinding sugat sa leeg, mukha at iba pang bahagi ng katawan. (MARY ANN SANTIAGO)