ASAHAN na natin ang lahat ng klase ng payo mula sa mga responsableng pinuno at institusyon tungkol sa kung sino ang dapat na iboto sa eleksiyon. Ang huling pahayag na inilabas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay isang “Guide for Catholic Voters” ngunit mainam din itong gamitin ng mga botante mula sa ibang relihiyon sa harap ng kulapulan ng election propaganda at iba pang bagong kaganapan sa kampanya.
Partikular na para sa mga botanteng Katoliko, sinabi ni Archbishop Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan, pangulo ng CBCP, na hindi nila maaaring suportahan ang mga kandidato na nagsusulong ng mga programa na taliwas sa mga turo ng Simbahan sa mga usapin ng aborsiyon, euthanasia, death penalty, diborsiyo, at pagpapakasal ng Kristiyano. Gayunman, hindi dapat na balewalain ang mga kandidato mula sa ibang pananampalataya, dahil may mahuhusay at karapat-dapat na ihalal mula sa iba pang komunidad na Kristiyano at iba pang relihiyon, aniya.
Ang iba niyang punto ay mainam na maging gabay ng iba’t ibang botante.
Huwag pipili ng kandidato batay lang sa mga nalathalang resulta ng mga poll survey, aniya. Pawang trends lang ang makikita sa mga survey, na maaaring magbago habang nangangampanya ang mga kandidato. Bukod dito, aniya, apektado ang mga ito ng methodology na ipinatutupad ng pollster.
Mag-ingat laban sa mga gumagamit ng maruming taktika laban sa kanilang mga kaaway, ayon sa pangulo ng CBCP. Ang isang kandidato na hangad na siraan ang reputasyon ng kanyang kapwa kandidato ay kasuspe-suspetsa. Pinabababa niya ang antas ng diskursong pulitikal sa pagtukoy sa mga kakulangan ng mga kalaban sa halip na talakayin ang mga problema, mga proyekto, mga plano, at mga adbokasiya.
Bagamat wala namang perpektong kandidato, may mga nais na mapabuti pa ang kanilang sarili; at ang mga nagkamali noon ay determinado at handa nang magbago. Sa huli, ang mahalaga ay ang kuwalipikasyon at hinahangad, mga plano at mga nais isakatuparan ng mga kandidato.
Sa mga dinastiyang pulitikal, sinabi ni Archbishop Villegas na dapat na maingat na piliin ng mga botanteng Kristiyano ang mayroong kung hindi man pantay ay mas mabuting mga katangian at kahusayan para sa posisyon.
Ang mga obispo ng Simbahan, ayon sa pangulo ng CBCP, ay hindi naghahangad na himukin ang kanilang mga mananampalataya na ihalal ang isang partikular na kandidato. Ang mabubuting katangian ng mga kandidato at ang mga posibleng pagpilian ng mga botante ang inilalahad sa paraan ng panalangin, alinsunod sa mga turo ng Simbahan, at may “sense of fairness and concern for the common good,” aniya.
Maraming iba pang payo na ibibigay ang mga pinuno ng ating mga komunidad at institusyon tungkol sa maraming usapin—gaya ng pagiging tapat sa partido, pagkonsidera sa mga ideyolohiya, mga pabuya at mga pangako, at pondo sa pangangampanya. Ang mga payong ito ay katanggap-tanggap, ngunit ang mga punto na inilahad ng CBCP ay mahalagang isapuso ng lahat ng botante.