SA kabila ng mga panawagan, pagbabawal, babala at kampanya kontra iwas-paputok ng pamahalaan, ng Phlippine National Police (PNP) at ng Department of Health (DoH) kung saan ipinapakita pa sa telebisyon ng mga kamay at daliring parang tosino at longganisa matapos maputukan, ang Bagong Taon ay muling sinalubong ng iba’t ibang uri ng paputok, ng mga sagitsit ng mga kuwitis at lusis at iba pang uri ng pyrotechnics. Dahil sa putukan, ang mga kalsada sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ay parang naging war zone bunga ng nakabibinging ingay ng mga paputok, makapal na usok na amoy-pulbura na lumukob sa mga lansangan. Natakpan ang liwanag ng buwan at mga bituin sa kalawakan. Dahil sa makapal na usok, may mga kababayan tayo na sinumpong ng hika at naghingang-pusa. May nadala sa ospital nang hindi makaya ng nebulizer. Kasamang ginamot ng mga pasaway na biktima ng paputok na lapnos ang mga kamay at putol ang mga daliri at hindi na makaaawit ng “I have two hands, the left and the right”at “Sampung mga daliri”.

Sa ibang bayan, na ang iba’y hindi bumili ng paputok sa takot na maputulan ng daliri at maaksidente, sinalubong nila ang Bagong Taon ng ingay sa paghipan ng mga torotot, pagkalampag ng lumang batya, lata at takip ng mga kaldero. Ang iba’y nagsindi na lamang ng maliliit na lusis, binuksan ang lahat ng ilaw sa bahay tumaaas man ang singil sa kuryente ng Meralco. May nagbukas din ng mga bintana at pinto ng kanilang bahay upang pumasok umano ang grasya.

Ngunit may minalas na bahay matapos mahagisan ng paputok at pinasok ng tarantadong magnanakaw. Marami rin tayong kababayan na nagsuot ng damit na may bilog-bilog na disenyo sa paniwalang sagisag daw iyon ng pera. Katulad ng nakaugalian, maraming ina ng tahanan ang naglagay sa kanilang mesa ng 12 bilog na prutas. Binili nila noong bisperas ng Bagong Taon sa palengke at bangketa na nagmistulang dagat sa dami ng bilog na prutas.

Bukod sa mga nabanggit na tradisyon tuwing Bagong Taon, maraming mag-anak o pamilyang Pilipino ang sinalubong ang Bagong Taon sa pagdalo sa misa. Kasama ng ibang pamilya at ng ating mga kababayan, sila’y matapat at taus-pusong nagpasalamat sa Poong Maykapal sa mga natanggap nilang biyaya nitong 2015 at humingi ng patuloy na patnubay sa Diyos sa kanilang paglalakbay sa buhay sa pagsapit ng Bagong Taon. (CLEMEN BAUTISTA)
Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan