IPINAGDIRIWANG ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong Enero 2, 2016, ang ika-91 anibersaryo ng kapanganakan ng ikalawang Executive Minister nito na si Brother Erano G. Manalo, na naglingkod sa loob ng 46 na taon, mula Abril 23, 1963, hanggang sa siya ay pumanaw noong Agosto 31, 2009.

Pinamunuan ni “Ka Erdy”, tawag kay Brother Erano, ang pangasiwaan ng INC ilang araw makaraang pumanaw ang kanyang ama na si Executive Minister-founder Felix “Ka Felix” Y. Manalo, noong Abril 12, 1963. Nauna rito, siya ang General Treasure noong 1947, at ang Ecclesiastical District Minister ng Maynila noong 1957.

Nakatulong ang mahusay na pamumuno ni Ka Erdy upang makilala at lumawak ang simbahan sa Pilipinas at sa ibang mga bansa. Isinulong niya ang mga reporma upang ilapit ang INC sa mga pangangailangan ng mahihirap at kapus-palad.

Itinatag niya ang 12965 “Maligaya” resettlement farms sa Nueva Ecija, at nagbukas din nito sa Cavite, Laguna, at Rizal upang maayudahan ang mahihirap na magsasaka at mangingisda. Ipinakalat niya ang misyon ng INC sa anim na kontinente sa mundo, at itinatag ang unang kongregasyon noong Hulyo 27, 1968, sa Honolulu, Hawaii, at dito ay pinamunuan niya ang unang worship service.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa kasalukuyan, ang INC ay may 97 ecclesiastical district sa Pilipinas at 21 worship congregation sa 102 bansa. Ang mga pagsisikap ni Ka Erdy sa pangangaral ay nakatulong sa nakamamanghang paglaki ng INC sa pagkakaroon ng milyun-milyong kasapi, at naging pinakamalaking religious denomination sa bansa. Maraming lugar ng sambahan ang naipatayo, kabilang ang napakalawak na Central Office Complex sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, na kinaroroonan ng may 7,000 kapasidad na Templo Central, isang multipurpose na altar, at ng New Era University.

Naging inspirasyon siya sa mga proyektong pang-teknolohiya upang makaabot sa mas maraming tao. Itinatag niya ang himpilan ng radyo na DZEM noong 1969, samantala ang una niyang programa sa telebisyon ay isinahimpapawid noong 1982, at nagbigay-daan sa Net 25 at GEM TV.

Ang konstruksiyon ng 55,000-seat na INC Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, isang multipurpose domed arena, ay nagsimula sa kanyang pamunuan; at kinumpleto ito ng kanyang panganay na anak na si Executive Minister Eduardo “Ka Ed” V. Manalo, na humalili sa kanya. Pinasinayaan ang arena noong Hulyo 27, 2014, para sa selebrasyon ng sentenaryo ng INC.

Sumulat si Ka Erdy ng dalawang libro tungkol sa mga pangunahing paniniwala ng simbahan—ang “Mabuting Kawal ni Cristo” at ang “Salita ng Diyos: Ang Tanging Lunas”—na ginagamit ng INC bilang gabay na Biblical para sa mga ministro at miyembro nito, gayundin sa seremonya ng pagkakasal sa INC, na unang sinambit sa araw ng kasal ni Ka Ed.

Si Ka Erdy, na ang pangalan ay nangangahulugan ng “new era” ay isinilang isang araw matapos ang Bagong Taon, at ginugol ang kanyang buhay para sa kapakanan at serbisyo ng Simbahan. Nagbasa siya ng Bibliya noong nasa elementarya pa lamang, nagsimulang dumalo sa mga ministerial class sa edad na 16, at isinakripisyo ang pag-aaral niya ng abogasya upang maordinahang ministro sa edad na 22. Sinabi ng INC: “Inilaan ni Brother Erano ang kanyang mahaba at pinagpalang buhay sa pagsasakatuparan ng banal na misyon bilang tagapaghatid ng mensahe ng Diyos, pinangangalagaan ang buong Iglesia ni Cristo bilang paglilingkod sa ating Dakilang Diyos.”