Kinumpirma kahapon ni eight-division world champion Manny Pacquiao (57-6-2, 38 Kos) ang nakatakda niyang laban kontra kay WBO welterweight champion Timothy Bradley (33-1-1, 13 Kos) na gaganapin sa MGM Grand Garden sa Las Vegas, Nevada.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo GenSan kay Pacquiao, inihayag nitong hindi na bago para sa kanya si Bradley at kabisado na rin nito ang mga istilo ng American boxer.
Kinakailangan lamang umano nang puspusang paghahanda at training, upang maging physically, mentally at spiritually ready para sa naturang laban.
Posibleng sa Pebrero magsisimula ang training ng Pinoy ring icon.
"Bradley, hindi naman siguro bago na kalaban. Alam na natin ang style niya, ang kailangan nating gawin magprepara tayo kailangan ihanda ang ating sarili ng 100 percent ready tayo, mentally, physically and spiritually. Siguro by February puwede na tayo mag-start," ani Rep. Pacquiao.
Matatandaang sinabi ni Pacquiao na ito na ang kanyang huling laban bago magretiro na gaganapin sa Abril 9, 2016 kung saan inabot ng ilang buwan bago ang pagpili.
Samantala, sinabi rin ni Pacquiao na mas pabor para sa kanya kung magiging mas agresibo sa ibabaw ng ring si Bradley.
Kaugnay naman sa paparating na halalan, tiniyak ng fighting solon na hindi magiging hadlang sa kanyang pagsasanay ang papalapit na campaign season na magsisimula sa Pebrero.
Ang campaign period para sa national positions ay mula Pebrero 9 hanggang Mayo 7, 2016, kung saan si Pacman ay tumatakbo bilang senador. (Bombo Radyo)