Sinalubong ng mundo ang 2016 na may champagne at hiyawan, ngunit bahagyang pinakalma ng matinding seguridad ang mga kasiyahan sa Europe at tinakot ng malaking sunog sa Dubai ang mga nagtipong nagsasaya.

Kinansela ang mga fireworks sa Brussels at Paris, ngunit nagbigay ang Dubai ng spectacular show at hindi pinayagang maantala ng sunog sa malapit na hotel, na ikinasugat ng 16 katao, ang mga pagdiriwang.

Sinimulan ng Sydney, tradisyunal na unang nagdaraos ng engrandeng pagsalubong sa Bagong Taon, ang mga pagdiriwang sa buong mundo nang ilawan nito ang kalangitan ng pyrotechnics sa pagpatak ng hatinggabi (1300 GMT).

Sa Dubai, nilamon ng malaking apoy ang isang luxury 63-storey hotel, ang Address Downtown, malapit sa world’s tallest tower na roon nagtipon ang mga tao para salubingin ang Bagong Taon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa kabila ng mga eksena ng nagngangalit na apoy, nagpatuloy ang mga kasiyahan at naghiyawan ang mga tao sa pagsalubong sa 2016 nang sumabog ang mga ilaw at kulay sa dambuhalang fireworks show sa iconic Burj Khalifa skyscraper, kahit na patuloy na umuusok ang hotel sa ‘di kalayuan.

Hindi pa malinaw ang sanhi ng sunog.

Matapos magdiwang ang Asia at Middle East, lumipat ang mga hiyawan sa hatinggabi sa Africa, Europe at sa America.

Sa sentro ng Europe, mahigit 100,000 pulis ang ipinakalat sa buong France para bantayan ang mga pagdiriwang na naganap anim na linggo matapos ang pag-atake ng mga jihadist sa Paris.

Kinansela ang mga taunang pagsasaya at fireworks sa Brussels at ang Belgian capital — tahanan ng NATO at ng European Union — ay nananatili sa high alert.

“The people of Paris and France need this symbolic passage into the New Year,” sabi ni Paris Mayor Anne Hidalgo sa weekly Journal du Dimanche.

Nagpabonggahan ang Hong Kong, Beijing, Singapore at iba pang lungsod sa Asia para tapatan ang pyrotechnic splash ng Sydney, ngunit naging tahimik ang Brunei na ipinagbawal ang Pasko sa pagbaling sa hardline Islamic law.

Nakataas ang high alert sa Jakarta matapos masupil ng anti-terror police ang isang detalyadong plano para sa umano’y New Year suicide attack sa Indonesian capital.

Idinetine ng Turkish police ang dalawang pinaghihinalaang kapanalig ng Islamic State (IS) na iumano’y nagbabalak ng mga pag-atake sa sentro ng kabiserang Ankara.

Samantala, sa unang pagkakataon ay isinara ng Moscow police ang Red Square na roon nakaugalian nang magtipon ng libu-libong nagsasaya.

“It’s no secret that Moscow is one of the choice targets for terrorists,” sabi ni Moscow Mayor Sergei Sobyanin kamakailan.

Sa Britain, sinabi ng Scotland Yard na ipinakalat nila ang tinatayang 3,000 opisyal sa central London sa iniulat na unprecedented anti-terror security effort.

Ipinagbawal naman ang fireworks sa mga bayan at lungsod sa buong Italy, dahil sa pagtindi ng polusyon kamakailan at dahil din sa konsiderasyon na sa panahon ngayon ang anumang malaking tunog ay maaaring magbunsod ng panic.

Sa Madrid, libu-libo ang nagtipon sa Puerta del Sol square, gayunman, nilimitahan ng pulis ang pinayagan sa 25,000.

Nagtipon ang libu-libong Berliner sa Brandenburg Gate para sa libreng mega-street party.

Sa pagsisikap na makaakit ng mga turista, nagdaos ang Cairo ng mga pagsasaya sa harapan ng mga pyramid malapit sa Egyptian capital, at inimbita ang lahat ng ambassador, artist at intellectual.

Sinikap din ng kabisera ng Sierra Leone, ang Freetown, na mabawi ang titulo nito bilang host ng best beach parties sa Africa matapos itaboy ng takot sa Ebola ang mga tao.

Sa United States, inaresto at kinasuhan ng mga awtoridad ang isang 25-anyos na American Muslim convert sa umano’y tangkang magsagawa ng New Year’s Eve attack sa New York sa ngalan ng IS.

Sa kabila ng mahigpit na seguridad sa New York City, nagtipon-tipon ang isang milyong katao sa Times Square para saksihan ang pagbaba ng bola. (Agence France-Presse)