Pinaglalamayan na ngayon ang isang 29-anyos na lalaki matapos sumemplang ang sinasakyan niyang motorsiklo nang umiwas siya sa isang aso na nataranta dahil sa ingay ng mga paputok sa Barangay Loma, Amadeo, Cavite, kamakalawa ng madaling araw.

Kinilala ni PO3 Kithy Boy Javier Costelo ang biktima na si Ariel Rodil Alfredo, construction worker, at residente ng P. Zamora Street, Barangay Poblacion VI, Amadeo.

Nagtamo ng matinding bali sa buto sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at patay na ito nang dalhin sa Asia Medic Hospital sa Dasmariñas City, ayon sa pulisya.

Lumitaw sa imbestigasyon na nakasakay si Alfredo sa kanyang Mitsukoshi Bonus 110 at binabagtas ang CM De los Reyes Avenue sa Barangay Loma dakong 2:00 ng madaling araw.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dahil sa tulin ng motorsiklo, hindi nakuha ni Alfredo na makontrol ito nang umiwas sa asong pinaniniwalaang nataranta sa paputok, kaya sumemplang sa kalsada ang sasakyan.

Dumudugo ang tainga at nakahandusay si Alfredo nang datnan ng rumespondeng pulis sa lugar.

Bukod sa mga aso, madalas ding maaksidente ang mga motorista dahil sa mga ligaw na baka sa Amadeo at sa iba pang bayan ng Cavite, ayon sa pulisya. (Anthony Giron)