LUALHATI BAUTISTA copy copy

“MARAHIL ay sa mata ng marami, maliit na bagay lang ang maging asawa’t ina. Sapagkat sa suweldo sinusukat ang importansya ng trabaho at pangalan ng tao, lumalagay na walang halaga ang trabaho niya – isang trabahong walang suweldo ni pangako ng asenso at kailanman ay hindi magbibigay sa kanya ng pangalan.”

Isa itong bahagi ng nobelang Sixty in the City na isinulat ni Lualhati Bautista; isa sa mga katotohanan ng buhay na kung tutuusin ay kitang-kita naman ngunit hindi napapansin. Marahil, nasanay na kasi tayo sa papel ng mga ina – ang ipaghele ang sanggol na hindi makatulog o may iniinda sa kalaliman ng gabi, at patuloy na pag-aalaga o pag-alalay sa anak kahit ganap na itong lumaki.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Lualhati Bautista sa Balita na noon pa man ay napapansin na niya ang karaniwang papel ng mga ina.

Tourism

National Museum, bukas na araw-araw

“Nakalakhan ko na ang karaniwang papel ng ina bilang ‘tagabahay’ lang. ‘Pag lumaki na at nag-asawa ang mga anak, lalo na sa panahong ito ng pagdagsa ng kababaihang Pilipino sa ibang bansa, ang ina pa rin ang karaniwang inaasahan na mag-intindi sa kanyang mga apo. Isang dahilan nito siyempre ay dahil ang ina pa rin ang pinakamapagkakatiwalaang babysitter. Pero fair ba ito sa ina?” kuwento niya.

Sabi ng pamosong awtor na karamihan sa mga nobela ay isinasalin sa pelikula, madalas ay hindi natin napapansin na ang mga ina ay tao rin na mayroong sariling pangarap.

“Karaniwang hindi natin nakikita ang ina bilang sariling tao na may sariling mga pangarap… ang Sixty ay naghahain lang ng alternatibong pananaw, ng maraming iba pang aspeto sa buhay ng isang babae, nagkukuwento ng matapat na mga isipin na halos hindi pinag-uusapan,” paglalarawan niya sa akda.

HUGOT? Sa lalim ng ipinararating ng akda, mapapaisip ka kung bakit at paano ito isinulat ng nobelista. Nang tanungin kung mayroon ba siyang “hugot” sa kanyang isinulat, aniya, “hindi kailangang may personal na pinaghuhugutan.”

“Sa katayuan ko ngayon, maaari bang maging ako si Guia, o si Menang? Sabihin nating, oo, may pinaghuhugutan, at ito ay ang mga kalakaran sa lipunan na hindi ako kumporme mula’t sapul. Kasama dito ang pagiging masyadong money-oriented ng maraming tao. Na ‘pag malaki ang pagitan ng edad ng dalawang tao, kadalasang ang frame of mind ay pera lang ang hinabol ng nakababata. I have seen a young woman who got married with a much-older man who was also half-Chinese, half-Filipino. Meron lang silang maliit na sarisari store at yung babae ang nagma-manage dahil mahina na ang katawan ng lalaki. She really took care of the man,” aniya.

Dagdag pa ng respetadong manunulat, ang mga karakter sa kuwento na sina Guia at si Roda ay maaaring maging ang kahit sinong babae.

“Kahit sinong babae na may mga pangarap na hindi na natupad – o tinupad. Mga babaing gustong kumawala sa kanilang naging buhay, mga babaing umibig at nakipagtalik sa iba, hindi man sa totoo ay sa kanilang isipan,” sabi niya.

SIXTY IN THE CITY

Ang Sixty in the City, ayon sa kanya, ay unang lumabas noon sa Liwayway at “dinisenyo muli para umangkop sa panahon.” Layon din nito na makakuha pa ng “wider readership.”

Sa mga nais bumili ng libro, maaaring pumunta sa Bookay-ukay, Solidaridad, at Pandayan; o personal na umorder sa may-akda sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa [email protected] o ng mensahe sa kanyang Facebook account. (CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE)