M’LANG, North Cotabato – Magkakasamang itinanggi ng mga halal na opisyal at pulisya sa bayang ito at ng militar ang mga ulat na inarmasan ng mga residente rito ang kanilang mga sarili laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), na nagsagawa ng mga pag-atake sa mga sibilyan sa Central Mindanao, sa tinawag ng peace advocates na “Christmas rampage.”

“Walang sibilyang residente saan mang bahagi ng aming bayan ang nag-aarmas,” sinabi nina M’lang Mayor Joselito Piñol at Vice Mayor Russel Abonado.

Sa isang press conference, sumang-ayon naman kina Piñol at Abonado sina M’lang Police chief Supt. Joffrey Todeño, at Board Member Ivy Martia Dalumpines, na kandidato sa pagkaalkalde.

Kasunod nito, binawi ni Armando Tongcua, chairman ng Barangay Tibao sa M’lang at pinagmulan ng report na nag-aarmas na ang mga Kristiyanong sibilyan sa kanyang nasasakupan laban sa BIFF, ang kanyang pahayag bilang suporta sa nagkakaisang deklarasyon ng mga opisyal.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

“Nadala lang ako ng aking emosyon nang interbyuhin ako sa radyo (noong Disyembre 29),” sabi ni Tongcua, tungkol sa una niyang pahayag sa pinaniniwalaan niya na ang BIFF ang sumalakay sa Bgy. Tibao nitong Disyembre 26.

Nilinaw naman ni Maj. Gen. Edmundo Pangilinan, commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, kasama ang mga opisyal ng 602nd Infantry Brigade, na ang nangyaring kaguluhan sa Bgy. Tibao nitong Disyembre 26 ay bunsod ng away sa lupa ng isang grupo ng mga residenteng Visayan at mga Moro. (Ali Macabalang)