Kritikal ngayon sa pagamutan ang dalawang indibiduwal, kabilang ang isang pitong taong gulang na lalaki, makaraan silang pagbabarilin ng isang umano’y opisyal ng barangay sa Makati City, sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Comatosed sa Pediatric Intensive Care Unit ng Ospital ng Makati (OsMak) si Mark Angelo Diego, dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.
Ginagamot din sa naturang ospital ang ikalawang biktima na si John Edward Pascual, 28, dahil sa apat na tama ng bala ng baril sa dibdib.
Nagsasagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng Makati City Police laban sa suspek na kinilala lang sa alyas na “Munding”, umano’y opisyal ng Barangay Southside.
Sa inisyal na ulat, hatinggabi nang dumating ang armadong suspek sakay sa isang hindi naplakahang motorsiklo at biglang pinaputukan nang sunud-sunod si Pascual sa dibdib, samantalang minalas namang tinamaan ng ligaw na bala si Diego.
Tumakas ang suspek, bitbit ang baril na ginamit sa krimen, sakay sa motorsiklo.
Nabatid ng pulisya na ang suspek ay sangkot din sa mga nakaraang insidente ng pamamaril sa lungsod. (Bella Gamotea)