Kumpiyansa si Rain or Shine coach Yeng Guiao sa tsansa nilang talunin ang nagtatanggol na kampeong San Miguel Beer sa kanilang duwelo sa best of 7 semifinals sa pagpapatuloy ng 2016 PBA Philippine Cup.
Ito ay matapos matiyak ni Guiao na magbabalik sa aksiyon sa unang pagkakataon ang kanilang ace guard na si Paul Lee.
Naka-recover na ang tinaguriang “Angas ng Tondo” sa kanyang natamong injury sa tuhod na naging dahilan kaya hindi sya nakalaro sa unang laban ng Rain or Shine sa ginaganap na season opener Philippine Cup.
Mismong si Guiao ang nagdeklara na sasabak na sa aksiyon si Lee, isa sa itinuturing na pinakamahusay na playmaker ngayon sa local pro ranks sa pagsisimula ng kanilang Final Four ng Beermen na mag-uumpisa sa Martes, Enero 5.
Malaki ang tiwala ni Guiao na malaking bagay at karagdagang firepower para sa kanila si Lee kontra sa mas malalaki at mga talentadong player ng San Miguel Beer.
Dahil dito, lumakas din umano ang kanilang tsansa sa inaasam na finals appearance dahil kahit wala si Lee ay nakuha nilang makalusot sa eliminations at quarterfinals at maitala ang kanilang ikawalong sunod ng semifinals appearance.
Bukod sa kanyang ‘all around presence’ sa loob ng court, ang kanyang liderato at matalinong diskarte ang aasahan ng Elasto Painters sa 2011 Rookie of the Year awardee.