BUTUAN CITY – Matapos ang 104 na araw na pagkakabihag, pinalaya na ng New People’s Army ang tauhan ng Philippine Army na si Sgt. Adriano de la Peña Bingil sa isang lugar sa Barangay Durian sa Las Nieves, Agusan del Norte, ilang oras bago magpalit ang taon nitong Huwebes.

Dahil dito, muling nakapiling ng sundalo ang kanyang asawa at iba pang miyembro ng kanyang pamilya noong bisperas ng Bagong Taon.

Mula sa NPA, inilipat ang kostudiya kay Bingil kina Agusan del Norte 1st District Rep. Lawrence Lemuel H. Fortun, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Municipal Crisis Committee head at San Luis, Agusan del Sur Mayor Ronaldo Corvera, at sa ilang kasapi ng sektor ng relihiyon, nitong Huwebes ng hapon.

Agad na dinala ang sundalo sa Camp Evangelista Station Hospital sa Cagayan de Oro City para sa gamutan.

Probinsya

Bagong silang na sanggol, natagpuan sa damuhan

“Salamat sa Diyos at nakasama ko’ng muli ang pamilya ko. Miss na miss ko na sila,” sabi ni Bingil nang muling makasama ang kanyang naluluhang pamilya

Sinabi naman ni Fortun na pinalaya ng NPA ang mga Prisoners of War (POW) ng kilusan sa pag-asang ibabalik ng gobyerno ang negosasyon upang matuldukan na ang 47 taon na pag-aaklas ng kilusan laban sa gobyerno.

Matatandaang sakay sa kanyang motorsiklo si Bingil, miyembro ng “Bayanihan Team” ng 26th Infantry Battallion, at patungo sa isang outreach social, peace at development program nang harangin siya ng may 30 armadong lalaki sa Barangay Mahagsay sa San Luis, noong Setyembre 19, 2015. (MIKE U. CRISMUNDO)