Sinalubong ng apat na magkakahiwalay na sunog sa tatlong lungsod sa Metro Manila, ang pagpasok ng Bagong Taon kahapon, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Unang nagkaroon ng sunog sa Barangays 155 at 160 sa Dagupan Extension, Tondo, Manila.
Naapektuhan ng sunog ang aabot sa 2,000 na pamilya.
Sinabi ni BFP chief, Director Ariel Barayuga, na aabot sa 1,000 bahay ang natupok sa lugar.
Aniya, ang nasabing sunog na idineklarang under control dakong 6:10 ng umaga ay sanhi ang pagbagsak ng umaapoy na kuwitis sa bahay ng isang Louie Basa, ngunit kinukumpirma pa ito ng awtoridad.
Dakong 6:58 ng umaga naman nang magkaroon din ng sunog sa isang residential area sa MacArthur Highway, Valenzuela City.
Sa taya ng BFP, aabot sa P2 milyon ang napinsala ng naturang sunog.
Isa pa ring sunog sa Barangay Baesa at Barangay Krus na Ligas ang naitala ng ahensiya sa Quezon City, kahapon.
(Rommel P. Tabbad at Mary Ann Santiago)