Patay ang isang 44-anyos na security guard nang barilin ng isa sa riding-in-tandem habang nasa loob ng guard house, sa Port Area, Manila, nitong Miyerkules ng gabi.
Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Danilo Suarez, nakatalaga sa Gate 4 ng Old BIR Building, dahil sa tama ng bala sa mukha at likod ng ulo mula sa hindi pa tukoy na kalibre ng baril.
Hindi naplakahan ang itim na Barako motorcycle ng dalawang hindi nakilalang suspek. Inilarawan ng ilang saksi ang gunman na army cut ang buhok at nakasuot ng maong na pantalon at puting T-shirt.
Sa ulat ni SPO3 Milbert Balinggan ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, naganap ang insidente dakong 9:00 ng gabi ng Disyembre 30. Ayon sa ilang saksi, nilapitan ng gunman ang biktima at binaril sa ulo habang pinulot ng kasama nitong driver ang mga basyo ng bala bago sila tumakas. - Mary Ann Santiago