LA PAZ, Tarlac – Ang pulis na nagresponde sa isang aksidente sa sasakyan ang napagbalingan ng galit at ginulpi ng apat na katao sa Sitio Mapalad sa Barangay Lomboy, La Paz, Tarlac.
Ang binugbog ay si PO1 Dennis Cordova, nasa hustong gulang, nakatalaga sa Gerona Police, at residente ng Bgy. Guevarra, La Paz, Tarlac.
Ang mga suspek sa pambubugbog ay sina Archie Gabriel, 26; Ramil Dela Cruz, 22; Dennis Dawawa, pawang taga-Bgy. Mayang, La Paz.
Nakapiit na ang tatlong suspek, habang pinaghahanap pa si Adrian Guevarra, nasa hustong gulang.
Dakong 5:50 ng hapon nang napadaan si Cordova sa lugar ng aksidente at sa pagsisikap niyang magkaayos ang mga sangkot sa sakuna ay siya ang napagbalingang bugbugin ng mga ito. (Leandro Alborote)