Limang sasakyan ang nasira matapos na biglang umandar na mistulang nagwawala ang isang Mitsubishi Montero Sports ng isang opisyal ng Highway Patrol Group (HPG-12) sa General Santos City sa South Cotabato, nitong Miyerkules ng hapon.

Sa report ni SPO1 Abusama Palisaman, ng Traffic Management Unit (TMU), ng General Santos City Police Office (GSCPO), pag-aari ni HPG-12 Director Senior Supt. Johnson Almazan ang Montero.

Lulan sa sasakyan, magtutungo sana si Almazan sa isang libing nang mangyari ang insidente.

Ayon sa pulisya, bigla na lang humarurot ang Mitsubishi Montero Sports bago pa ito paandarin ng driver ni Almazan habang nasa parking area.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nasira ang harapang bahagi ng sasakyan matapos nitong salpukin ang isang Hyundai Sonata, na bumangga sa katabing KIA Sportage, at nahagip ang katabing Toyota Vios, na sumalpok naman sa Starex van.

Patuloy ngayong inaalam ng TMU ang sanhi ng aksidente, dahil sinasabing naka-handbreak naman ang Montero nang mga sandaling iyon.

Ayon naman sa pulisya, ito ang unang insidente ng sudden unintended acceleration ng isang sasakyan sa General Santos City.

Humingi na ng paumanhin si Almazan sa mga may-ari ng sasakyang nasira sa insidente, habang wala pang pahayag ang Mitsubishi. (Fer Taboy)