MAY fans talaga na pasaway, nagbubulag-bulugan at gusto lang manggulo. Ilang beses nang nilinaw nina Alden Richards at Kris Bernal na walang silang relasyon at magkaibigan lang, ayaw pa ring maniwala.
Ginawa na namang isyu ang magkasamang pagho-host nina Alden at Kris sa Countdown to 2016 ng GMA-7 kahapon sa SM Mall of Asia. Sumugod pa ang ilan sa kanila sa Instagram account ni Kris para lang sabihing masaya itong sasalubungin ang 2016 dahil kasama nito ang BF na si Alden.
Hayun, kinuyog tuloy siya ng fans ni Kris at ng ibang Aldub Nation fans at pinakiusapang ‘wag manggulo at pasakitin ang ulo ng ibang selosang AlDub fans. Nagtrabaho lang ang dalawa, no more no less.
Hindi ba nakikita ng ilang selosang AlDub fans na kay Maine Mendoza lang ang attention ni Alden ngayon? Si Kris naman nali-link kay Renz Fernandez na kasama niya sa Little Nanay.
May lumabas na balitang nanliligaw si Renz kay Kris at sana hindi lang promo ng Little Nanay dahil hindi maganda para kay Kris. Tuwing may bago na lang siyang nakakapareha, nali-link sa kanya, playgirl na tuloy ang image ng aktres sa iba. Saka, hindi ito gusto ng shipper ng love team nina Kris at Hiro Peralta.
In fairness, lumutang ang chemistry nina Kris at Renz sa Little Nanay kesa noong magkasama sila sa Prinsesa ng Buhay Ko. Pero hindi rin naman sila magkapareha sa teleserye dahil sa karakter ni Kris na may intellectual disability.
Role ng lawyer na magde-defend kay Kris sa annulment case nito kay Hiro ang role ni Renz bilang si Atty. Gerald Cruz. (NITZ MIRALLES)