Dalawang duty jailer ng Manila Police District (MPD) Moriones Police Station ang sinibak sa posisyon matapos makatakas ang apat na bilanggo mula sa detention cell ng nabanggit na himpilan noong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa mga opisyal ng MPD, inihahanda na ang kasong administratibo na ihahain laban sa dalawang jailer na hindi pinangalanan sa ulat ng pulisya.
Kinilala naman ng MPD ang apat na pumuga na sina Michael Angelo Ramos, 19; Charles Serquina, 19; Wilson Fuentes, 29; at Aris Pasague, 29 anyos
Tumakas ang apat dakong 4:00 ng umaga noong Miyerkules subalit naaresto rin matapos ang limang oras.
Tinangka rin umano ng limang iba pang bilango na sina Noel Taghap, 20; Kenneth Mahusay, 22; Bernard Evangelista, 32; Alvigar Garsola, 28; at Nestor Luching, 28, na makatakas sa pasilidad subalit nahadlangan sila ng mga alertong jail guard. (Argyll Cyrus B. Geducos)