WALANG duda na ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga napuputukan ng rebentador ay masisisi sa katigasan ng ulo ng ilang sektor ng sambayanan. Sa Metro Manila lamang, mahigit 100 na ang naisugod sa iba’t ibang ospital dahil naputulan ng kamay, nagkalasug-lasog ang laman at nalapnos ang katawan; bukod pa rito ang mga sugatan mula sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Sa kabila ng mga babala ng Department of Health (DoH), mga simbahan at ng Philippine National Police (PNP), nananatiling bingi ang ating mga kababayan; hindi alintana ang panganib na kanilang sinusuong dahil nga sa walang pakundangang pagpapaputok ng mapanganib na firecrackers. Isipin na kasagsagan pa lamang ng pagdiriwang ng Bagong Taon. Maliwanag na hindi tumatalab ang mga babala laban sa panganib ng pagpapaputok.

Ang naturang masamang kaugalian ng ilang sektor ng ating mga kababayan ay hindi lamang naghahari sa mga nagpapaputok ng mga rebentador. Talamak din ito sa may mga baril na ang ilan ay mga alagad ng batas na walang patumangga sa pagkalabit ng kanilang mga armas. Higit na mapanganib ang mga ligaw na bala na basta na lamang pumapatay ng walang kamalay-malay na sibilyan, tulad ng nangyari kamakalawa; maraming insidenteng kahawig nito ang naganap nang nakalipas na mga paggunita sa paghahalili ng taon. Ang masamang kaugaliang ito ay may kaakibat na pagyayabang ng mga may isip-pulbura. Kahit kailan, wala man lamang nadadakip at napaparusuhang mga iresponsableng gun owners. Walang malasakit ang mga alagad ng batas sa paglipol ng gayong mistulang mga kriminal.

Talamak din ang katigasan ng ulo sa mismong mga gumagawa ng mga rebentador. Bagamat ang ilan sa kanila ay may mga lisensiya bilang firecracker manufacturers, madalas na hindi naman natutugunan ang mga reglamento hinggil sa ligtas na paggawa ng mga paputok. Nagiging dahilan ito ng pagkasunog ng mga pabrika na nagiging sanhi rin ng kamatayan ng mga manggagawa. Talamak din ang illegal manufacturers na gumagawa ng below-standard firecrackers na lihim na ibinebenta kung saan-saan. Ang ganitong katiwalian sa pagnenegosyo ay kahina-hinalang nakalulusot sa mga awtoridad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kung mananatili ang katigasan ng ulo ng ilan nating kababayan, angkop lamang ang katagang “bahala nga kayo!”

(CELO LAGMAY)