Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga netizen na gamitin ang kanilang mga cell phone camera sa pagkuha ng imahe ng mga pasaway na magpapaputok ng baril o magbebenta ng ilegal na paputok ngayong Huwebes.

Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na malaki ang maitutulong ng mga larawan na kuha ng mga netizen sa pagresolba sa mga kaso ng ligaw na bala at firecracker-related injuries.

“Ang mga larawan at video ay maaaring gamitin bilang ebidensiya sa pagpupursige ng kaso sa mga lalabag sa batas,” ayon kay Mayor.

Isang siyam na taong gulang na babae ang nasawi habang limang katao ang nasugatan matapos tamaan ng ligaw na bala sa nakalipas na mga araw.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Iniulat din ng Department of Health (DoH) na mahigit 100 katao ang nasugatan sa paputok simula nitong Disyembre 16.

Anim na katao, kabilang ang isang pulis na nakatalaga sa Metro Manila at isang pangulo ng Association of Barangay Captains sa Ilocos Norte, ang kabilang sa mga naaresto dahil sa ilegal na pagpapaputok ng baril.

Iginiit ni Mayor na dapat resolbahin ang mga kaso ng ilegal na pagpapaputok ng baril at ilegal na pagbebenta ng paputok dahil karaniwang pinagmumulan ang mga ito ng sakuna sa pagsalubong ng Bagong Taon.

“Alam natin na mahilig ang mga Pinoy sa mga gadget at maging sa social media. Kaya makatutulong din kung gawin nating ligtas ang ating Bagong Taon,” giit ng opisyal ng PNP. (Aaron Recuenco)