KAHIT papaano, nakahinga nang maluwag si Sen. Grace Poe matapos mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court (SC) sa dalawang disqualification case na ipinataw ng Commission on Elections (Comelec) laban sa kanya. Tinupad ni SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang pahayag na aaksiyunan nila agad ang tinatawag na “high-profile political cases” na inihain sa kanilang tanggapan.
Sa pamamagitan ng TRO, hinarang ng SC ang Comelec sa pagkansela ng kandidatura ni Sen. Grace na labis-labis ang kalbaryo bunsod ng pagiging isang foundling o pulot at pagtira sa US nang matagal na panahon dahil nakapag-asawa ng isang Filipino-American (Fil-Am) na anak ng isang kilalang doktor sa Makati Medical Center. Isang political analyst ang nagsabi na hindi dapat isisi kay Sen. Poe ang pagiging isang foundling.
Kasalanan ba niya na siya ay isang pulot na iniwan sa loob ng simbahan ng Jaro, Iloilo? Mabuti nga at hindi siya natulad sa ibang mga bata o fetus na itinapon sa basurahan o kaya’y iniwan sa gilid ng kalsada. Nagsikap siya sa buhay sa pag-aaruga nina Fernando Poe Jr. (FPJ) at Susan Roces na nagmahal sa kanya bilang mga tunay na magulang. Sa buong buhay niya, hinanap niya ang kanyang biological parents, pero hindi siya nagtagumpay.
Naniniwala ang maraming Pinoy na dapat bigyan ng pagkakataon ang mga pulot o foundling na mangarap na magsilbi sa pamahalaan at sa bayan. Maraming Pilipino nga ang itinuturing na natural-born citizen, subalit ang pag-uugali at personalidad ay masahol pa sa dayuhan. Humihithit ng imported sigarilyo, kinukulayan ang buhok ala-blonde, may hikaw sa tenga, ilong at dila, at kapag natapilok ay “ouch” ang sinasambit sa halip na “aray”.
Maraming kababayan natin ang natural-born Filipino na hanggang ngayon (milyun-milyon) ang nangangarap ng American Dream, makarating sa bansa ni Uncle Sam, magtrabaho at mamuhay tulad ng mga Amerikano. Sabi nga ng isa pang political analyst, halos lahat yata ng Pilipino ay may kamag-anak sa US, naging US citizen for convenience at hanggang ngayon ay patuloy na nagmamahal sa Pilipinas. Bigyan ng pagkakataon ang libu-libong foundling na magsilbi sa bayan kaysa mga pulitiko na sugapa sa PDAF at DAP bagamat sila ay mga natural-born Filipino.
Si Davao City Mayor Rodrigo Duterte naman ngayon ang may petisyon sa SC na i-junk ang kahilingan nina Ruben Castor at defeated senatorial bet Rizalito David na kanselahin ang kanyang kandidatura sa 2016 election. Ilang nuisance candidate ang nagtungo sa Comelec upang hilingin na huwag silang idiskuwalipika. Kabilang dito si “Spike Boy” na si Elly Pamatong na taun-taon ay kandidato sa panguluhan.
Ang isa pang kandidato sa pagkapangulo na idineklarang panggulo ay si Sid Anima, kasapi ng Aasenso Sabungero Party-list. Hindi pa natin alam kung idiniskuwalipika na rin ng Comelec sina Lucifer, Hitler, Lapu-Lapu at Ambassador to Intergalactica. May petisyon din kaya sila sa SC? (BERT DE GUZMAN)