Natapos na ang Chip Kelly revolution bago pa man ito tuluyang magsimula.
Ito ay makaraang biglang tanggalin ng Philadelphia Eagles si Kelly noong Martes ng gabi, limang araw bago ang final game ng 2015 regular season. Ang Eagles ay natanggal na mula sa playoff contention matapos silang talunin ng Washington Redskins, noong Sabado ng gabi.
Ang nabanggit na kabiguan ang siyang nagpabagsak sa Eagles sa 6-9 panalo-talong kartada. Ang koponan ay may 2-5 sa pitong laro, kabilang na ang talo nito na nagpabagsak ng 45-puntos ng dalawang beses at isang 40-puntos. Sa kabuuan, ang rekord sa halos tatlong season ng Eagles bilang head coach ay 26-21.
Si Kelly na tinaguriang “hot head coach” ay wala ng trabaho sa ngayon subalit marami naman itong posibleng puntahan sa dami ng mga bakanteng puwesto.
Posibleng manatili siya sa NFL o bumalik ito sa pagtuturo ng football sa kolehiyo.
Gayunman, iginiit ni Kelly na mas gugustuhin niyang manatili sa NFL kesa bumalik sa pagko-coach sa kolehiyo.
Inihayag ni Kelly sa Fox Sports noong Martes ng gabi na hindi siya nakipag-away sa may-ari ng koponan na si Jeffrey Lurie sa naging desisyon nito.
Ang biglang pagtanggal kay Kelly na mayroon na lamang natitirang isang laro para sa 2015 season, ay klaradong paliwanag na nahihirapan ang Eagles sa kanyang pamumuno sa coaching.
Ang eksperimento umano ni Kelly ay hindi naging mabisa. Ang kanyang tempo, practice schedule, ang sports science- na gumulo sa NFL. Sa kabuuan, ang kanyang mga ipinatupad na pilosopiya ay hindi naging mabisa at bagkus, ito ay nagdulot ng negatibong resulta.
“We appreciate all the contributions that Chip Kelly made and wish him every success going forward,” ang pahayag ni Lurie sa isang statement na inilabas ng koponan. (ESPN. Com)