NABUHAYAN muli ng pag-asa ang ating mga kababayan. May natatanaw sa pagsapit ng Bagong Taon kaya marahil nais na ibaon sa limot ang ilang yugto ng buhay na binalot ng bangungot sa taong 2015. Halimbawa, ang patuloy na kapalpakan sa paghahatid ng ayuda sa ng mga biktima ng bagyong Yolanda at ang usad pagong ng hustisya sa SAF 44 at marami pang iba. Hindi bago ang paghahangad na bubuti pa rin ang lahat matapos ang mga sinapit sa pagtikom ng huling pahina ng taon at pagbuklat sa susunod na kabanata. Inaasam ang pagsibol ng isang milagro na ilang beses na pinasinungalingan ni Nora Aunor sa dighay na “Walang Himala!”. Dahil nga sa bagong taon, kagawian na nating maituturing ang umasa dahil pangalawang balat na natin ang magsaya, ngumiti sa gitna ng kahit ano pa mang hagupit, basta ba may “love team” tayong tinitilian, teleseryeng sinusundan, awit na kinakanta, sayaw at pistang nagpapasaya, tindahang inuutangan, pamilyang sinisilbihan at tahanang pinapangarap. Masusuma nga natin na napakadali pasiyahin ng Pilipino.
Sa ibang paglalatag, napakababaw nga naman ng ating kasiyahan. Dito tayo humuhugot ng pinagtagpi-tagping kaligayahan upang masambit -- buo pa ang ating pangarap? Na may paraan pa, basta ba may buhay, paputok o Noche Buena sa pagsalubong ng Bagong Taon? Parang pelikula ang buhay ng Pilipino. Paiba-iba kunwari ang kuwento, subalit ang buod at telon ng ating buhay ay ilang kopya na ng pinaglumaan at tumabong sining ng pagkatalisod at pag-ahon? Luha sa pamamaluktot o pagkagapi alay sa panalangin, kung sana may kometa sa madilim na kalawakan, kahit Lastik-man na lang, o birtud na nilulunok at mag-Darna? Ito ang talang-buhay natin. Salamin ng antas ng kalikuan sa pulitika, kaakibat ang kakapusan sa masasandalang “bayani”. Kaya sa bagong henerasyon ay nilulunod ang sarili sa “fanta-serye” at text.
Hindi na ba maaaring maghanap ng Pilipino na mapagkakatiwalaan nating luklukan ng mga pangarap ng bayan bilang panibat sa patung-patong na hinagpis at nanlilimahid na dumi sa kapit-tukong mundo ng kapangyarihan? Ano ang solusyon? Magsimula sa payo ni Lolo – ihalal ang nagsunog ng kilay at matino. Matalino na, may marangal na pinagmulan pa. Porke ba kilala, rumaket sumikat, at sabihin may puso, puwede na? Ganon? (ERIK ESPINA)