Asul ang masuwerteng kulay sa 2016 dahil ang susunod na taon ay nangangahulugan ng pagiging positibo, kaligayahan at pagsasama-sama ng pamilya.

Ito ang sinabi ni feng shui Master Hanz Cua ilang oras bago salubungin ng mundo ang 2016 mamayang hatinggabi.

Hinimok din ni Cua ang publiko na maghanda ng masasarap na pagkain at maghain ng 12 prutas na sumisimbolo sa pera, mabuting kalusugan, at kaginhawahan.

Sa lahat ng prutas, aniya, pinya ang dapat na nangunguna sa mesa, dahil sa Chinese ay nangangahulugan ito ng ong-lai.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Ong means lucky and a means to come. So you’re inviting luck to come to you,” ani Cua.

Sinabi pa ni Cua na pera naman ang isinisimbolo ng mansanas, pakwan, mangga, chico, at orange; habang mabuting kalusugan ang katumbas ng papaya, mahabang buhay ang simbolo ng pomelo, kayamanan ang ubas, at pampaalis ng negative vibes ang calamansi o lemon.

Pinayuhan din ni Cua ang publiko na maghain ng isda, na maghahatid ng suwerte at umaakit umano ng mas maraming pera, habang tikoy o kakanin naman ang higit na magbibigkis sa pamilya sa buong taon.

Pinabulaanan naman ni Cua ang kasabihang magiging “isang kahig, isang tuka” ang pamilyang maghahain ng manok sa hapagkainan sa pagsalubong sa Bagong Taon dahil lahat, aniya, ng pagkain ay maituturing na biyaya.

Makakatulong din nang malaki para sa masuwerteng 2016, ayon kay Cua, kung lilinisin ang buong bahay at magtatapon ng lumang gamit bago maghiwalay ang taon; tiyaking puno ang lalagyan ng bigas; at buksan ang lahat ng ilaw sa bahay at magpapatugtog nang malakas mamayang hatinggabi.

Ang 2016 ay Year of the Fire Monkey, kaya makabubuting mag-display ng lucky charms na gaya ng monkey king, inviting cat, at monkey bar, ayon kay Cua.

Kung ritwal naman ang gusto, sinabi ni Cua na dapat na magsindi ng siyam na incense stick tuwing 9:00 ng umaga upang maitaboy ang negative vibes. Mag-flush sa banyo pagkatapos ng bawat ritwal upang “ma-flush” din ang mga negatibong enerhiya, aniya. (Robert R. Requintina)