Nais ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos na pangalagaan ang integridad ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa pagdiskuwalipika nito sa pelikulang “Honor Thy Father” sa Best Picture category ng parangal.

Bilang chairman ng MMFF, kinagalitan din ni Carlos ang “HTF” film producer nang hindi nito binanggit na naging entry at ipinalabas na rin ang kontrobersiyal na pelikula sa Hawaii Film Festival.

“We have found out that the HTF was shown in the Hawaii Film Festival on November 14 and November 18. It was shown to the public with paying viewers,” pahayag ni Carlos.

Ang pagkakadiskubre ni Carlos sa pagtatanghal ng “HTF” sa Hawaii Film Festival ang nagpatibay sa kanilang desisyon na diskuwalipikahin ang “HTF”, sa direksiyon ni Erik Matti, bilang Best Picture sa MMFF sa ginanap na awards night noong Disyembre 27.

National

Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng Death Penalty for Corruption Act

Sa kanilang sertipikasyon na isinumite noong Oktubre 22, sinabi ni Carlos na idineklara ng mga producer ng “HTF” na hindi pa at hindi kailanman nila isasali ang pelikula sa ibang film festival maliban sa MMFF.

Ang HTF ang opening feature sa Cinema One Originals Film Festival noong Nobyembre 8.

Ayon kay Carlos, napanood din ang “HTF” sa Toronto Film Festival kamakailan.

“The film producers should have disclosed it even if the Cinema One offer was a prior commitment,” anang MMFF chairman. (Anna Liza Villas-Alavaren)