Sa kabila ng kaliwa’t kanang problema na kanilang kinahaharap, positibo ang halos lahat ng Pinoy na gaganda ang kanilang buhay sa 2016, ayon sa huling survey ng Social Weather Station (SWS).

Base sa resulta ng fourth quarter survey ng SWS noong Disyembre 5-8 at sinagutan ng 1,200 respondent, napag-alaman na 92 porsiyento ng mga Pinoy ang puno ng pag-asa sa pagpasok ng Bagong Taon, habang walong porsiyento lamang ang nangangamba sa kanilang kinahaharap.

Halos hindi nagbago ang resulta ng survey sa kanilang pagtantiya sa 2016 kumpara noong papasok pa lang ang 2015.

Ang SWS survey ay tumugma sa huling survey ng Pulse Asia, na inilabas noong Martes, na lumitaw na puno ng pag-asa ang mga Pinoy sa susunod na taon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa survey group, halos hindi nagbago ang malaking pag-asa ng mga Pinoy nang salubungin ang mga nakaraang taon—87 porsiyento sa unang survey noong 2000, 81 porsiyento noong 2004, at 85 porsiyento noong 2005.

Naglaro naman ang mataas na antas ng pag-asa ng mga Pinoy sa pagitan ng 91 at 92 porsiyento simula 2006 hanggang 2008, at bahagyang bumaba sa 89 porsiyento noong 2009.

Noong 2010, muling bumawi ang antas ng pag-asa ng mga Pinoy sa 2011 sa 93 porsiyento, at simula noon ay hindi na ito bumaba sa 90 porsiyento sa mga sumunod na taon.

“Ang darating na taon ba ay inyong sasalubungin nang may pag-asa o may pangamba? Sasalubungin ang darating na taon ng may pag-asa; sasalubungin ang darating na taon ng may pangamba?” nakasaad sa survey form ng SWS para sa mga respondent.

Ganito rin halos ang taas ng positibong pananaw ng mga Pinoy sa pagdiriwang ng Pasko, na halos lahat ay nagsabing masaya ang kanilang selebrasyon ngayong taon.

Nang tanungin ng SWS kung umaasa sila ng masayang Pasko ngayong 2015, 95 porsiyento ang positibo na magiging masaya ang susunod na taon. (ELLALYN DE VERA)