Nakapiit ngayon ang isang magtiyuhin makaraan silang maaresto ng pulisya sa aktong nagbebenta ng ilegal na droga sa Roxas City, Capiz , iniulat ng pulisya kahapon.
Sinabi ng Roxas City Police Office(RCPO) na sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na si Nemesio Lagayada, at pamangking si Michael Abilibit, ng Barangay Punta, Tabuc, Roxas City, makaraang mahulihan ng dalawang kilo ng shabu.
Sa report na tinanggap ni Regional Police Office Director Chief Supt. Bernardo Diaz mula sa Capiz Police Provincial Office (CPPO), sinalakay ang bahay ni Lagayada sa Barangay Punta sa Tabuc, at nakakumpiska rin ang awtoridad sa mga suspek ng isang digital weighing scale at sari-saring drug paraphernalia.
Sinabi ng pulisya na matagal na nilang sinusubaybayan ang operasyon ng magtiyuhin hinggil sa talamak na pagtutulak ng shabu sa naturang barangay.
Todo-tanggi naman ang dalawang suspek sa mga nakumpiskang droga. (Fer Taboy)