Nanawagan kahapon sa gobyerno ang isang migrant advocate group upang ilaan ang ilang bahagi ng hindi nagamit na “blood money” ni Joselito Zapanta para tulungan ang pamilya ng binitay na overseas Filipino worker (OFW).

“I appeal to our government to provide much needed assistance to the family especially now that Joselito is gone,” saad sa pahayag ni Blas F. Ople Policy Center President Susan Ople.

Binitay nitong Martes si Zapanta, 35, sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) makaraang mabigo ang kanyang pamilya na makumpleto ang P48-milyon blood money na hiniling ng mga kaanak ng Sudanese na amo ng OFW na kanyang napatay sa gitna ng mainitan nilang pagtatalo.

Naulila ni Zapanta ang dalawa niyang anak, isang 13-anyos at isang 11 taong gulang, at ang may sakit niyang ina na si Ramona.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Nasa P23 milyon lang ang nalikom ng gobyerno mula sa hinihinging blood money, na nasa pag-iingat ng Department of Foreign Affairs (DFA).

“Since that amount had been rejected by the Sudanese widow thus leading to Joselito’s execution, would the government be amenable to donating some amount to the grieving Filipino family? That is a policy decision that needs to be clarified,” sabi ni Ople.

Kasabay nito, iginiit ni Ople ang apela niya sa gobyerno na muling pag-aralan ang mga patakaran nito sa pagtulong sa mga OFW na nahahatulan ng kamatayan sa ibang bansa.

Aniya, dapat na magtatag ang gobyerno ng isang special unit na mangangasiwa sa mga kaso ng death penalty at pagkalap ng blood money para sa mga OFW.

Sinabi ni Ople na sa kasalukuyan, may 90 OFW ang nasa death row. (SAMUEL P. MEDENILLA)