Nabawasan ang bilang ng mga bus driver na napatunayang positibo sa paggamit ng ilegal na droga ngayong holiday season, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Hanggang nitong Martes, sinabi ng LTFRB na isa lang sa 113 bus driver mula sa iba’t ibang bus terminal na isinailalim sa drug testing ang nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Subalit noong Lunes, inihayag ng LTFRB na wala sa 228 driver na isinailalim sa drug test ang nagpositibo sa droga.

Noong Disyembre 22 at 23, dalawa sa 295 driver ang nagpositibo sa paggamit ng illegal drugs, ayon sa ahensiya.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Sinabi ni Ginez na ang resulta ng drug test ay nagpapatunay na seryoso ang LTFRB na tukuyin ang mga bus driver na gumagamit ng ilegal na droga upang mailayo sa panganib ang mga biyahero.

“This relatively low number of drivers who were found positive for drugs is a good indication that our drivers, except for a few, are drug-free,” ayon kay Ginez. “This augurs well for our campaign for safer journeys on the road.”

Aniya, magpapatuloy ang pagsasagawa ng drug testing sa mga bus driver sa iba’t ibang terminal sa Metro Manila habang patuloy ay pagdagsa ng mga biyahero ngayong weekend.

Nagsagawa ng drug testing ng LTFRB noong Disyembre 21 hanggang 24 at Disyembre 28 hanggang 30.

Ang mga bus driver na nagpositibo sa testing ay isasailalim sa imbestigasyon ng Land Transportation Office (LTO) Law Enforcement Section bago sampahan ng reklamo sa Office of the City Prosecutor.

Ang parusa sa pagmamaneho ng sasakyan habang nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot na walang nasugatang biktima sa kinasangkutang aksidente ay tatlong buwang pagkakakulong at multa na P20,000 hanggang P80,000. (PNA)