Arjo copy

“DREAM come true” ang post ni Arjo Atayde sa kanyang Facebook account tungkol sa papel niya sa Maalaala Mo Kaya na mapapanood na sa Sabado, Enero 2.

Tuwang-tuwa ang kontrabida ni Coco Martin sa Ang Probinsiyano dahil siya ang opening salvo ng MMK at nakuha pa niya ang role na matagal na niyang inaasam-asam.

Isang psycho ang papel ni Arjo pero hindi na naikuwento ng nanay niyang si Sylvia Sanchez kung ano ang kuwento o gagawin ng anak sa MMK, basta ang mga kasama nito ay sina Dominic Ochoa at Assunta de Rossi.

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

“Sobrang excited siya nang malaman ang role niya, pero at the same time panay ang text niya na, ‘Ma, natatakot ako, baka hindi ko kayang gampanan.’

“Sabi ko naman, ‘kaya mo ‘yan, ganyan din sinasabi mo sa akin sa Probinsiyano na baka hindi mo kayang gumanap na kontrabida.’ E, nakaya naman niya. Kung ako nga mismong nanay gigil na gigil sa kasamaan niya sa Probinsiyano,” kuwento ni Ibyang nang makausap namin bago tumulak patungong Dubai last Monday kasama ang buong pamilya.

Hindi na namin nakausap si Arjo dahil nasa taping pa raw at uuwi lang para maligo at sabay lipad na.

Isa pang masayang kuwento ng proud mama ng aktor, “Kapag nasa mall siya, minamasdan ko nga, baka ‘kako may mang-away sa kanya kasi nga, di ba, love ng lahat si Coco Martin, baka biglang may sumuntok sa anak ko.

“Awa ng Diyos, maraming bumabati, kumakamay at nagpapa-picture. Isip ko nga, hindi na tulad nu’ng araw na talagang bayolente ang fans. Ang tawag sa kanya Joaquin,” masayang tinig ni Sylvia sa kabilang linya.

At heto pa, kung dati-rati ay one of those lang si Arjo sa mall shows, ngayon ay nagsosolo na at kaya na niya dahil dinudumog na siya tulad sa mga Hammerhead promo tour niya.

“Puro Mindanao at Visayas ‘yung pinupuntahan ni Arjo, sabi sa akin ng marketing staff, sobrang dami raw ng tao at talagang tumaas ang sales ng Hammerhead nu’ng kinuna nila si Arjo, nakakatuwa, di ba, Reggs?

“‘Tapos magkakaroon na rin siya ng billboard sa NLEX at SLEX, ‘tapos may mga billboards din sa mga bus, kaya natutuwa ako sa anak ko,” masayang kuwento pa ni Ibyang. (REGGEE BONOAN)