Sa kulungan magdiriwang ng Bagong Taon ang dalawang college student matapos silang mahulihan ng marijuana habang pinagtitripan ang mga kapitbahay sa Barangay Piñahan, Quezon City, nitong Martes ng umaga.

Naghihimas ngayon ng rehas na bakal sina Angelo Lopez, ng Masikap Street, Bgy. Piñahan; at John Mark Antes, ng Karangalan Village, Cainta, Rizal. Ang dalawa ay kapwa 22-anyos, ayon sa pulisya.

Nagpapatrulya ang mga tauhan ng Quezon City Police District sa Boracay Street, dakong 1:45 ng umaga noong Martes nang matiyempuhan nilang sinisigawan at hinahamon ng suntukan ng dalawang suspek ang mga dumaraan sa lugar.

Ito ang dahilan kaya sinita ng dumaraang pulis sina Lopez at Antes at nang kapkapan ang dalawa ay nakuhanan umano sila ng marijuana.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Kabilang sa mga nabawi ng pulisya sa mga suspek ang tatlong plastic sachet na may pinatuyong marijuana; isang sachet na may hinihinalang hashish; rolling paper; at dalawang kutsilyo na may 10 pulgada ang haba.

Nahaharap ang dalawang estudyante sa kasong paglabag sa isang ordinansa dahil sa pagbibitbit ng kutsilyo at ilegal na droga. (Vanne Elaine P. Terrazola)