NAI-FILE na ni Laguna Cong. Dan Fernadez ang resolution para imbestigahan ang pagkakadiskuwalipika ng Honor Thy Father sa Best Picture category ng 2015 Metro Manila Film Festival.
Isinumite ni Rep. Fernandez sa House of Representative ang House Resolution No. 2581, resolution directing the committee on Metro Manila Development Authority to conduct an inquiry, in aid of legislation. Sinamahan si Dan ng abogado ng Reality Entertainment na si Atty. Agnes Maranan at ng producer na si Dondon Monteverde.
Ipinaliwanag nina Dan, Atty. Maranan at Dondon na hindi dumaan sa due process ang pagdiskuwalipika sa Honor Thy Father.
Nabanggit ni Atty. Maranan na pinag-aaralan nila kung magsasampa sila ng kaso sa MMFF tungkol sa nangyari.
”We respect the whole contest, even the winners,” pahayag naman ni Dondon Monteverde. “We respect kung ano man ang maging decision ng jury sa MMFF awards night. Ang hindi lang namin matanggap ay ang pag-disqualify sa Best Picture.
“Dito na ako lumaki sa industry na ito. Ito na ang nagpakain sa akin, ito na ang nagpaaral sa akin. Kung ano man ang magagawa ng investigation na ito, hindi na natin mari-reverse lahat ng nangyayari currently kasi siyempre ang festival, it’s only two weeks. Pero kailangan ilabas natin ang transparency sa lahat ng ginagawa natin especially in a very credible festival like MMFF.”
Sabi pa ni Dondon, umaalma sila hindi para habulin ang awards kundi para hindi na muli pang maulit ito sa mga susunod na film festival. “I’m doing this para in the future magkaroon naman tayo ng boses or due process sa bawat decision na gagawin nila, kasi we really felt na there was no due process given to us. Sana hindi na maulit ang nangyaring ito.”
Nagpahayag naman ang bagong MMDA Chairman Emerson Carlos na sasagutin niya ang lahat ng inquiry.
“Haharapin po natin lahat iyan. We are not afraid of any investigation that may be conducted by anybody, by any institution,” ani Chairman Carlos.
Ipinaliwanag pa ng MMDA chairman na wala siyang galit o anuman sa mga taong nasa likod ng pelikulang pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz.
“We want want to make it pure as possible. We did not impose the sanctions against the talents, the stars, the director because we want to make the message clear na ipinaaabot namin ‘yung mensahe sa mga nagkamali mismo,” sabi pa ng MMDA chairman.
Sakto rin ang House Bill No 6300 na isinusulong ni Fernandez na An Act Mandating Movie Theater Operators Nationwide to run MTRCB Approved and Rated Local Movies to Support Local Movie Producers and Promote Original Filipino Movies.
Ang resolusyong ito ay para suportahan ang local movie producer para ma-encourage at ma-motivate pang gumawa ng maraming pelikula na makapagbibigay ng maraming trabaho sa mga manggagawa sa industriya ng pelikulang Pilipino.
(Reggee Bonoan)