Bumangon si Stephen Curry mula sa malamyang simula tungo sa pagtatala ng 23- puntos na nagtulak sa kanyang ikaanim na career triple-double at sa Golden State Warriors para sa ika-29 nitong panalo sa loob ng 30 laro ngayong taon sa pagbigo sa Sacramento Kings, 122-103, Lunes ng gabi sa Oracle Arena sa Oakland, California.

Nagdagdag si Curry ng career-high nitong 14 rebound at 10 assist habang tumulong si Klay Thompson sa paghulog ng 29 at si Draymond Green ay may 25 para sa Warriors na nagawang magwagi sa loob ng 33 direstong laban sa kanilang regular-season home games.

Nagtala si Omri Casspi ng sariling career-high 36-puntos upang pantayan si Mike Bibby sa team record na may 9 na 3-pointers para sa Sacramento. Gayunman, nabigo pa rin ang Kings sa kanilang ika-11 diretson kontra sa kanilang karibal sa Northern California.

Ikinatuwa ng Kings ang pagbabalik ni DeMarcus Cousins para sa una sa tatlong pakikipagharap nito sa Warriors ngayong season. Gayunman, ang All-Star big man ay naglaro lamang ng 13 minuto bago napatalsik sa laban.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Matapos na maupo sa halos buong unang hati dahil sa foul, ikinainis ni Cousins ang pagkakuha sa kanyang ika-5 na foul sa ikatlong yugto.

Napituhan ni Monty McCutchen si Cousins para sa isang technical, na nagtulak sa manlalaro upang magbigay ng komento sa tawag na nagbunga ng isa pang technical mula kay Mitchell Ervin na nagpatalsik dito sa laro. Kinailangan pa si Cousins na pakalmahin ng mga kakampi bago sinamahan palabas ng court.

Inihulog ni Curry ang tatlo sa apat na free throws upang pasimulan ang 15-0 run na nagtulak sa dalawang puntos na abante tungo sa 79-66 kalamangan ng Warriors. Isang tres ang inihulog pa ni Curry bago matapos ang ikatlong yugto upang itulak ang Golden State sa 90-75.

Ang kabiguan ng Kings ang pinakamahaba nito sa serye matapos ang Cincinnati Royals na nabigo ng 13 sunod kontra sa Philadelphia Warriors noong 1959-60.

Samantala, iniangat pa ng San Antonio Spurs ang pinakamagandang panalo sa homecourt sa kabuuang 18-0 matapos nitong biguin ang Timberwolves, 101-95. Ang San Antonio ay mayroon nang 27-6 panalo-talong kartada habang nahulog ang Minnesota sa 11-20 panalo-talo.

Umiskor si Kawhi Leonard ng 17- puntos at 11 rebound habang si Boban Marjanovic ay may 17 para sa Spurs na nananatiling walang talo sa homecourt.

Nakisalo ang San Antonio sa 1978 Portland Trail Blazers at 1986 Houston Rockets na mga tanging koponan mula sa Western Conference na nagsimula sa season na may 18-0 sa kanilang homecourt.

Anim na manlalaro ng Spurs ang nasa double figures at nalampasan ang hamon na hindi nakasama ang coach na si Gregg Popovich matapos mapatalsik sa unang bahagi ng laro.

Inihulog naman ni Kyrie Irving ang isang 3-pointer sa pagkaubos ng kanilang shot clock sa huling 21.9 segundo ng laro upang itulak ang Cleveland Cavaliers sa pagpalasap ng ikalimang sunod na kabiguan sa Phoenix Suns, 101-97.

(Angie Oredo)