Dahil sa matagumpay na paggabay sa kanilang mga koponan tungo sa kampeonato ng kani-kanilang liga, nahirang sina Far Eastern University (FEU) coach Nash Racela at dating Letran coach Aldin Ayo upang maging Coaches of the Year ng UAAP-NCAA Press Corps para sa taong 2015.

Ang dalawang champion coaches ay nakatakdang parangalan sa idaraos na Collegiate Basketball Awards sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa EDSA.

Kapwa tinapos nina Racela at Ayo ang halos dekada ng pagkauhaw sa titulo ng kani-kanilang mga koponan.

Sa paggabay ni Racela, nakamit ng Tamaraws ang kanilang ika-20 pangkalahatang titulo matapos gapiin ang University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers sa tatlong laro sa nakaraang UAAP Season 78 finals.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Sa kanyang rookie year, nagawa namang ihatid ni Ayo ang Knights sa kampeonato at tapusin ang limang taong paghahari ng San Beda College Red Lions sa liga.

Ito ang unang pagkakataon na tatanggap ng parangal ang dalawang coach mula sa mga bumubuo ng grupo ng mga mamahayag na regular na nagku-cover ng dalawang pangunahing collegiate leagues ng bansa.

Si Ayo na susunod na collegiate season ay mauupo na bilang coach ng La Salle ay ang ikaapat na rookie coach na nagwagi ng award kasunod nina Ato Agustin noong 2009,at sina Juno Sauler at Boyet Fernandez noong 2013.

Ang iba pang mga coach mula sa UAAP at NCAA na nagsipagwagi sa nasabing parangal ay sina Norman Black, Frankie Lim, Eric Altamirano at Louie Alas.

Bukod sa coach of the year, magbibigay din ng parangal ang UAAP-NCAA Press Corps sa mapipili nilang Smart Player of the Year at Collegiate Mythical Five. (Marivic Awitan)