Hindi lahat ng biro ay dapat seryosohin.

Ito ang pahayag ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr. hinggil sa naging reaksiyon ng publiko sa inihayag noon ni Pangulong Aquino na handa ito at si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya na magpasagasa sa Light Rail Transit (LRT) Line 1 kung hindi matatapos ang LRT Line 1 extension project ngayong taon.

Ang “suicide offer” ay inihayag ni PNoy sa kasagsagan ng kampanya sa Cavite noong Abril 2013.

“Baka naman mas lohikal o mas makatuwiran na hindi naman maging literal ‘yung interpretation natin, at unawain natin na gustung-gusto talaga ng Pangulo na mapahusay ‘yung serbisyo doon,” pahayag ni Coloma.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Seryoso siya doon sa determinasyon na mabigyan ng isang mahusay na mass transport system ang publiko. Unawain lang ng ating mga kababayan na hindi ganoon kadali ‘yung pagbubuo ng ganyang proyekto ngunit dahil desidido ang pamahalaan ay buo naman ‘yung determinasyon na maipatupad ito at makumpleto ito,” ayon sa opisyal.

Kasalukuyang bumibiyahe ang LRT Line 1 mula Roosevelt sa Quezon City hanggang sa Baclaran, Parañaque City. Kapag nakumpleto na ang extension project, aabot na ang biyahe ng LRT 1 sa Bacoor, Cavite.

Sinabi ni Coloma na naantala ang proyekto dahil Setyembre ngayong taon lang ito ibinigay sa Ayala at Metro Pacific consortium.

“Hindi naman kasi ganoon kadali ‘yung pagbubuo ng isang major project kaya sana ay maunawaan na ginawa naman ang nararapat pero hindi na-anticipate na ganoon karami ‘yung magiging dahilan para maantala ito,” giit niya.

“Gayunman, nabuo na ‘yung pagsasagawa ng operations and maintenance patungo doon sa unang extension hanggang Bacoor.

At kapag naumpisahan na ito ay makikita na ‘yung katuparan ng naipangako,” aniya. (MADEL SABATER-NAMIT)