Nananatiling sarado ang bibig ni Filipino boxer Manny Pacquiao hinggil sa pagkakakilanlan ng kanyang magiging kalaban sa kanyang “farewell fight” sa Abril.

Subalit, hindi naman tumitigil ang mga sports analyst, trainers, at ibang boksingero na mag-analisa ng mga posibilidad.

Kabilang sa mga top contender na posibleng makalaban ni Pacquiao ay sina reigning WBP welterweight champion Timothy Bradley Jr., na nakalaban na ni “Pacman” ng dalawang beses. Natalo nito si Pacquiao sa isang kontrobersiyal na laban noong Hunyo 2012, subalit natalo ito ni Pacman sa rematch na naganap noong Abril 2014.

Ayon sa beteranong trainer na si Robert Garcia, na dating nagtrabaho sa mga boksingerong sina Nonito Donaire, Brandon Rios at Mickey Garcia, na ito na ang pagkakataon ni Bradley upang lehitimong makasungkit ng panalo kay Pacman.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Bradley has a shot, this time, of beating him (Pacquiao) for real,” ang pahayag ni Garcia sa isang interbyu sa Boxing Scene.

“We all saw the first two fights and thought Pacquiao won, but this time, with Teddy Atlas, Bradley looked different, Bradley looked motivated,” dagdag pa nito.

Sa taong ito, nakipaghiwalay na si Bradley sa kanyang longtime trainer na si Joel Diaz, at kinuha nito ang well-respected na si Atlas, bago pa man nito harapin si Brandon Rios. Tinalo ni Bradley si “Bam Bam” sa ika-9 na round ng kanilang WBO welterweight title fight noong Nobyembre.

Sinabi ni Garcia na posibleng magkaroon ng pagbabago ngayong hahawakan na si Bradley ng beteranong trainer na si Atlas.

“He might have that extra push to pull it off,” ani Garcia.

Makatutulong din umano ang mahabang pahinga ni Pacquiao sa ring, at ang pagkakaroon nito ng surgery upang ayusin ang nasirang rotator cuff dahil sa pagte-training nito noong Mayo 2015 kaugnay sa “Fight of the Century” laban kay Floyd Mayweather Jr., kung saan ito natalo.

“Pacquiao might not be the same anymore,” ang punto ni Garcia. “So this time, Bradley has a better chance to pull it off.” (Abs-Cbn Sports)