Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na binitay na ang overseas Filipino worker (OFW) na si Joselito Zapanta sa Riyadh sa Saudi Arabia, kahapon.
Dakong 2:20 ng hapon nang bitayin sa Saudi Arabia ang 35-anyos na si Zapanta dahil sa pagpaslang at pagnanakaw sa kanyang Sudanese landlord na si Imam Ibrahim matapos silang magtalo tungkol sa renta.
Hinatulan ng parusang kamatayan ng Riyadh Grand Court si Zapanta noong Abril 2010.
“The Department of Foreign Affairs regrets to inform the public of the execution of Filipino national, Mr. Joselito Lidasan Zapanta, in the Kingdom of Saudi Arabia on 29 December 2015,” ayon sa DFA.
Nitong nakaraang linggo lang ay umapela ang Blas Ople Policy Center sa publiko na tumulong sa paglikom ng kailangang blood money ni Zapanta na aabot sa P23 milyon na nanatiling kulang para sa P48 milyon na hinihiling ng pamilya ng Sudanese para mailigtas ang buhay ng Pinoy.
Natuloy ang pagbitay sa ating kababayan matapos tumanggi ang pamilya ng biktima na mag-isyu ng Affidavit of Forgiveness o Tanazul kapalit ng blood money.
Kinumpirma ng DFA na hindi naman maiuuwi ang labi ni Zapanta sa Pilipinas dahil agad itong ililibing sa Riyadh, alinsunod sa tradisyong Islam, dahil nag-convert ang Pinoy ilang taon na ang nakararaan. (Bella Gamotea)