Sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng tatlong araw ang pagpapatupad ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP), o mas kilala bilang “Number Coding Scheme,” sa Metro Manila simula ngayong Miyerkules hanggang sa Biyernes, Enero 1, 2016.
Ang Araw ni Rizal ngayong Miyerkules at ang Bagong Taon sa Biyernes (Enero 1) ay idineklara ng Malacañang bilang regular holiday, habang bukas (Disyembre 31) ay special non-working day.
Ang Number Coding Scheme ay ipinatutupad ng MMDA upang maibsan ang matinding trapiko kaya ipinagbabawal ang mga sasakyan depende sa huling numero ng plaka nito, mula 7:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi.
Inabisuhan ni Crisanto Saruca, MMDA Traffic Discipline Office chief, na dapat asahan ng mga motorista ang pagsisikip ng trapiko sa mga lansangan na roon matatagpuan ang terminal ng mga pampublikong sasakyan ngayong pauwi ang milyun-milyong mamamayan sa mga lalawigan upang doon ipagdiwang ang Bagong Taon.
Tiniyak naman ng opisyal na ipakakalat ang mga MMDA traffic constable sa “exodus” ng mga motorista upang tumulong sa pagmamando ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila. (Anna Liza Villas-Alavaren)