NGAYON lang namin isusulat ang ilang senaryo sa Metro Manila Film Festival Awards Night na ginanap sa Kia Theater nitong nakaraang Linggo.

Nakakatuwa na bumalik na ang sigla sa dating New Frontier Theater ngayon na nagiging paborito itong venue ng awards nights at ng halos lahat ng gustong mag-concert, at iba pa.

Kaya lang, itong nakaraang MMFF Awards night ay hindi naging maganda para sa mga residente at mamimili sa paligid ng Shopwise, Gateway Mall, SM, Alimall at iba pang business stablishments dahil sumobra ang trapik nang harangan ng mga taga-MMDA ang maraming lagusan sa lugar.

Akalain mo, Bossing DMB, isang oras nakatengga ang mga sasakyan na umabot na sa magkabilaang Aurora Boulevard at P. Tuazon dahil sa inilagay na mga harang ng MMDA.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Ni hindi man lamang kasi kinonsidera na nag-aalisan at nagdadatingan din ang provincial buses na hindi tuloy makarating agad sa terminal nila sa likod ng Shopwise. Bukod sa mga harang na inilagay, nagsikip pang lalo ang daanan sa paligid ng Kia Theater dahil sa mga nakaparadang generator at kung anik-anik na gagamitin sa MMFF awards night.

Mukhang magulo ang planong ginawa ng MMDA kaya hindi naging maayos ang daloy ng trapiko habang naghahanda at isinasagawa ang awards night. Ang komento tuloy ng mga katoto, kasing gulo ng mga desisyon nila sa resulta ng mga nanalo na lalong nagulo sa pagkakatanggal ng Honor Thy Father sa Best Picture category.

Samantala, panay naman ang talak ni Direk Erik Matti sa kanyang Facebook account na may MMFF organizer daw na kasosyo sa isa o dalawang pelikulang kasali sa film festival kaya iyon ang mas pinaboran.

Mabigat ang alegasyong ito ni Direk Matti. Aniya, “Isa o dalawang pelikula’ ang sinosyohan ng diumano’y MMFF organizer. Ang Walang Forever at Buy Now Die Later ba ang tinutukoy niya? Kasi ang mga nabanggit na pelikula ang humakot ng tropeo sa katatapos na MMFF awards night.

Imposible namang The Beauty and The Bestie at All You Need is Pag-ibig na ni special awards ay walang naiuwi.

Good thing at napanood namin ang lahat ng pelikula kaya masasabi naming deserving ang Walang Forever sa lahat ng nakuha nitong awards, pero kung nasama ang Best Picture ay talagang neck-to-neck ang labanan nito at ng Honor Thy Father.

Hmmm, kaya ba tinanggal ang Honor Thy Father sa nasabing kategorya para masolo ng Walang Forever ang tatlong major awards, tulad ng Best Picture, Best Actor at Best Actress?

Nakakapagtaka na wala man lamang nakuhang special awards ang Haunted Mansion. Hindi bale, kumikita naman. ‘Yan naman ang gusto nina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde–Teo at Direk Jun Lana.

Sana pangalanan na lang ni Direk Erik Matti kung sino ang binabanggit niyang MMFF organizer na kasosyo sa pelikulang kasali sa film festival para matapos na ang isyu. (REGGEE BONOAN)