Itinuturing ng militar bilang isang uri ng “pangongotong” ang “permit-to-campaign” scheme ng New People’s Army (NPA), na rito pinagbabayad ng grupo ang mga kandidato upang makapangampanya sa isang lugar.

Ayon sa mga opisyal ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom), ang naturang pangongotong at kagagawan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) upang makakalap ng pondo para sa kilusan.

“The EastMinCom condemns in strongest term the extortion schemes perpetrated by the bandits under the CPP-NPA-NDF against politicians who will be conducting their campaigns in the areas of Eastern Mindanao,” pahayag ng EastMinCom.

Iginiit din ng militar na ang paggamit ng mga rebeldeng komunista ng dahas, pananakot at panggigipit sa mga kandidato ay labag sa karapatan ng mamamayan upang malayang makapili ng kanilang mga napupusuang leader sa eleksiyon sa Mayo 2016.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon pa sa militar, nililimitahan din ng permit-to-campaign scheme ang mga lugar na roon maaaring mangampanya ang isang kandidato, lalo na kung wala itong pondo para ipambayad sa mga komunista.

Dahil dito, inabisuhan ng EastMinCon ang mga kandidato, lalo na ang mga puntirya ay lokal na posisyon, na huwag bumigay sa pangongotong ng grupong komunista.

“EastMinCom again advises the candidates against giving in to the demands of the CPP-NPA-NDF bandits as the extortion money can be used to sustain the armed struggle through violence and intimidations against innocent civilians and properties.”

Ayon sa military sources, umaabot sa P30,000 hanggang P50,000 ang hinihingi umanong permit-to-campaign fee ng mga rebelde mula sa mga kandidato na puntirya ang posisyon sa pagkakonsehal hanggang sa pagkaalkalde. (Elena Aben)