Dismayado si two-time Olympian Hidilyon Diaz sa kakulangan ng suporta na ibinibigay ng gobyerno para sa mga atleta ng bansa.

Si Diaz, na isang weightlifter mula Zamboanga, ay nakipag-kumpetensiya sa 2008 Beijing Olympics at 2012 London Olympics, at nagtatangka ito ngayong makapag-kuwalipika sa 2016 Rio Summer Games.

Si Diaz ay nakapag-uwi ng mga panalo para sa international competition sa taong ito, kabilang na ang 2015 International Weightlifting Federation World Championship na ginanap sa Houston noong Nobyembre kung saan nanalo siya ng 3 pilak upang mapanatili ang kuwalipikasyon sa Olimpiada.

Hindi naging madali ang mga pinagdaanan ni Diaz para sa Rio, subalit, naglabas ito ng hinanakit sa kakulangan ng suporta mula sa gobyerno sa mga panahon ng kanyang pagsasanay at paghahanda bago pa man ang kumpetisyon.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Kahit na nga ang paghiling ng mga simpleng supply para sa mga Filipino athlete ay gumugugol ng ilang buwan bago ito maaprubahan ng matataas na opisyal ng Philippine Sports Commission (PSC).

Ayon kay Elber Atilano, vice-president ng Philippine Weightlifting Association, ang basic supplies na kinakailangan sa training ng mga Filipino weightlifter ay sobrang tagal bago dumating.

Si Atilano, na nagsisilbi ring training manager ni Diaz, ay nagpaliwanag ng kahalagahan ng mga programmed food at vitamins ng mga atleta at kung bakit dapat na dumating ito sa tamang oras upang mabigyan ng tamang panahon ang mga atleta para paghandaan ang kumpetisyon.

Humiling si Atilano sa PSC na mabigyan sila ng nutritionist, psychologist at conditioning coach para kay Diaz habang naghahanda ito sa Rio Olympics.

Kinontra rin ni Atilano ang plano ng PSC na isagawa ni Diaz ang pagsasanay sa Baguio City, sa dahilang naniniwala ito na ang atleta ay dapat na masanay sa isang mahalumigmig na panahon katulad sa Rio De Janeiro.

Ang pagsasanay ni Diaz ay magsisimula sa Enero 2016 sa Metro Manila.

Si Diaz ang kauna-unahang babaeng weightlifter na makikipaglaban para sa Pilipinas sa Olimpiada matapos ang kanyang unang pagsalang sa kumpetisyon sa Beijing. Nasungkit nito ang ika-11 puwesto sa 12 competitors noong 2008. Noong 2012, naitala nito ang “DNF” (did not finish) makaraang mabigo ito na makumpleto ang kinakailangang level sa tatlong beses na pagtatangka. (Abs-Cbn Sports)