PAANO ba natin tutukuyin ang P3.002-trilyon National Budget para sa 2016 na nilagdaan at pinagtibay ni Pangulong Aquino bago ang Pasko?
Isa itong legacy budget, ayon kay Pangulong Aquino, at dinagdagan ang pondo upang magawa ng susunod na administrasyon na maipagpatuloy ang mga reporma ng kanyang gobyerno. Ito ay produkto ng maayos na pamumuno, ayon kay Secretary Florencio Abad ng Department of Budget and Management. Susuportahan ng malaking budget ang pro-people investment ng kasalukuyang administrasyon, ayon naman kay Senate President Franklin Drilon.
Ngunit may ibang pananaw ang transparency watchdog na Social Watch Philippines (SWP). Tadtad ang National Budget ng lump sums na para sa kapakinabangan ng Liberal Party sa eleksiyon sa Mayo 2016, ayon kay dating National Treasurer Leonor Briones, convenor ng SWP. Binigyang-buhay nito ang pork barrel system at ang Disbursement Acceleration Program na parehong idineklara ng Korte Suprema na labag sa batas, aniya.
Nang lagdaan ni Pangulong Aquino ang national budget – na opisyal na tinatawag na General Appropriations Act for 2016 – nitong Disyembre 21, binigyang-diin niya na sa ikaanim na magkakasunod na taon, ang budget ay inaprubahan at nilagdaan ayon sa itinakdang panahon—kaya hindi na kailangang i-reenact ang budget sa nakalipas na taon. Ang 2016 budget, ayon sa kanya, ay halos doble ng pondo sa unang taon ng administrasyon, noong 2011, na nasa P1.645 trilyon.
Alinsunod sa Konstitusyon, ang pinakamalaking bahagi ng 2016 budget ay para sa Department of Education, P436.5 bilyon; kasunod ang Department of Public Works and Highways, P400.4 bilyon; Department of National Defense, P175.2 bilyon; Department of Interior and Local Government, P154.5 bilyon; Department of Health, P128.5 bilyon; at Department of Social Welfare and Development, P111 bilyon. Binanggit din ng Pangulo ang P62.7-bilyon budget ng Conditional Cash Transfer Program na nagkakaloob ng buwanang tulong pinansiyal sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa.
Gayunman, iginiit ng Social Watchdog Philippines, na kabilang sa mga pondong para sa mga ahensiya ng gobyerno ang nasa P500 bilyon na walang partikular na proyektong pinaglaanan—na maaaring ilabas ng administrasyon, sa tamang panahon, sa mga hakbanging ikatutuwa ng mga botante sa Mayo 9, 2016. Binago rin ng 2016 Appropriations Act, ayon pa sa SWP, ang kahulugan ng terminong “savings” upang magamit ng Pangulo ang mga pondo mula sa mga nakanselang proyekto ng gobyerno at ilipat ito sa ibang mga proyekto.
Malaki ang posibilidad na may bahid ng katotohanan ang taliwas na pagsusuring ito sa 2016 National Budget. Sa nangyayaring kabi-kabilang pagsasampa ng mga kaso, asahan nating makapaglilimi ang mga Pilipinong botante—na mistulang puntirya ng maraming pahayag, programa, at proyekto—sa harap ng mga akusasyon at ng lahat ng pandaraya at magkakaroon ng mahusay na sariling desisyon sa halalan.