GINUGUNITA ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal sa lahat ng sulok ng bansa sa ika-119 na anibersaryo ng kanyang pagkamartir ngayong Disyembre 30. Bibigyang-pugay ng mga Pilipino si Rizal sa sabay-sabay na pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa iba’t ibang lugar sa ganap na 7:03 ng umaga, ang oras na binaril siya sa Bagumbayan, ngayon ay Rizal Park, noong Disyembre 30, 1896.

Ang unang paggunita sa pagkamartir ni Rizal ay idinaos noong Disyembre 30, 1898, sa pagsasapubliko ng unang rebulto niya sa Daet, Camarines Norte. Itinakda ng Philippine Commission ang Rizal Day tuwing Disyembre 30 ng bawat taon, sa bisa ng Act No. 345 noong Pebrero 1, 1902. Nakasaad naman sa Republic Act 229, na pinagtibay noong Hunyo 9, 1948, na ang lahat ng tanggapan ng gobyerno ay dapat na magtaas nang half-mast ng kanilang mga watawat, at ipinagbabawal din ang pagsasabong, karera ng kabayo, at jai alai tuwing Rizal Day.

Ang 102-anyos na Rizal Park monument sa Maynila; ang Rizal Shrine, sa kanyang bayan sa Calamba, Laguna; gayundin ang kanyang rebulto sa bawat lungsod at bayan, ay mga pagdarausan ng selebrasyon. Pangungunahan ng mga lokal na opisyal ang mga Pilipino sa paggunita sa mga ideyalismo, turo, at sakripisyo ng pambansang bayani.

Sa selebrasyon ng 2015 Rizal Day, idaraos ang “Rizal Day 50K Ultra Marathon” sa Calamba plaza. Naging tradisyon na rin ng Knights of Rizal at Kababaihang Rizalista na tuntunin ang mga tinahak ng bayani sa paglalakad mula sa selda nito sa Fort Santiago hanggang sa Bagumbayan. Ikatutuwa naman ng mga pasahero ang libreng sakay sa LRT Lines 1 at 2, at MRT 3.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Magsasagawa naman ang mga komunidad ng mga Pilipino ng taunang Rizal Day rites, at ngayong taon ay may tema itong “Jose Rizal: A Celebration of His Life and Legacy.” Siyam na rebulto ang nakatirik ngayon sa Amerika bilang pagkilala kay Rizal. Mayroon ding mga monument ni Rizal sa Argentina, Belgium, Canada, China, France, Germany, Italy, Japan, at Spain.

Ang bronze-and-granite Rizal Park monument ay idineklarang National Cultural Treasure ng National Museum at isang National Monument ng National Historical Commission noong Disyembre 30, 2013, ang kumilala rito bilang “preeminent national, political, historical, and cultural symbol, evoking the virtues, patriotism, sacrifice, death, and legacy of Dr. Rizal.”

Ang rebulto, na gawa ng Swiss sculptor na si Richard Kissling, ay orihinal na tinawag na “Motto Stella (Guiding Star)”, at pinasinayaan noong Disyembre 30, 1913. Sa isang tipak ng marmol malapit sa monument ay nasusulat ang “Mi Ultimo Adios” (Aking Huling Paalam), na sinulat ni Rizal sa gabi bago siya hinatulan ng kamatayan; ang dalawa niyang tanyag na nobela ay ang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo”. Sa ilalim ng monument nakahimlay ang labi ng bayani, na 24 na oras na binabantayan ng Philippine Marines.

Matatagpuan naman sa lumang bahay sa Calamba ang 22-talampakan ang taas na rebulto ni Rizal, na kumakatawan sa 22 lengguwahe na kaya niyang sambitin. Sa pagbabalik-alaala sa kabataan ni Rizal, tampok sa bahay sa Calamba ang memorabilia, mga kopya ng kanyang mga manuskrito at guhit, ang may apat na haliging kahoy na higaan na roon siya isinilang, ang kanyang kuwarto at silid-aklatan. Nasa Rizaliana gallery naman ang artifacts mula sa kanyang pagbibinata, kabilang ang bahagi ng damit na suot niya nang siya ay mamatay.