KAPAG si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang nahalal na pangulo ng Pilipinas sa 2016, tiniyak na isusulong niya ang parusang kamatayan upang masugpo ang mga krimen at drug addiction. Sa kanyang regular Sunday TV talk show, tahasang sinabi ni Duterte na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, magkakaroong muli ng death penalty sa bansa sa pamamagitan ng public hanging o pagbitay sa mga convicted criminal.
Ayon sa machong alkalde, ang drug addiction ay “easy money.” Gagamitin daw niya ang puwersa ng military at PNP at maging ang malawak na kapangyarihan ng presidency upang ganap na masugpo ang mga sugapa sa iligal na droga. “I will recommend to Congress the restoration of death penaly by hanging in public,” saad ni Mayor Digong.
Nasa kabataan ang pag-asa ng bayan. Paniniwala ito ng bayaning si Rizal na sumulat ng Noli Me Tangere at E Filibusterismo. Hindi kaya ang tinutukoy ni Rizal dito ay ang mga kabataan noong kanyang henerasyon?
Waring ang napagtutuunan nila ng pansin ngayon ay ang bagong teknolohiya--- computer, laptop, iPhone, facebook, twitter, instagram, fastfood. Suriin ninyong mabuti ang kanilang kaayusan: may hikaw sa tenga ang kalalakihan, tadtad ng tattoo ang katawan at ang buhok ay may pugong o tali sa dakong bahagi ng ulo na parang mga Mongolian. Ang mga babae naman, sagad hanggang singit ang suot na maong short.
Pero, hindi naman lahat ng kabataang Pilipino ay maituturing na kulang ng malasakit sa bayan. Isang grupo ng mga kabataan ang buong tapang na naglayag sa West Philippine Sea sa kabila ng banta ng China. Ang bahagi ng grupo ay nakarating na sa Pagasa Island. Nakahimpil sila roon ngayon bilang simbolikong paglaban sa pag-angkin ng China sa halos kabuuan ng WPS. Inihayag ng mga organizer na kung tawagin ay Kalayaan Atin Ito, na 47 miyembro nila ang nakadaong sa Pagasa noon pang Sabado. Bagamat noong una ay kontra ang gobyerno sa paglalayag ng mga kabataan, sinabi ni Press Sec. Herminio Coloma na “We recognize the patriotisim of these youths that made them venture out.” Ang grupo ay pinamumunuan ni ex-Navy Capt. Nicanor Faeldon.
Minaliit lang ng Malacañang ang claim ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na lumago ang kanilang membership mula sa dating 120,000 na ngayon ay 200,000 na. Impluwensiya na rin daw nila ang Western Mindanao. Sabi ni Coloma, ang ganitong claim ng CPP-NPA ay “absurd” at propaganda lamang.
Dapat tandaan ng kilusang komunista na ang Pilipinas ay isang demokratiko at katolikong bansa na naniniwala sa Diyos. Ang ideolohiya ng mga komunista na walang paniniwala sa Diyos (Godless Ideology) ay walang puwang sa mga Pilipino. (BERT DE GUZMAN)