NAPILI ng Business Process Outsourcing (BPO) Genpact ang Bataan para doon itatag ang kauna-unahang provincial site habang pangatlo sa buong bansa, matapos na malagdaan ang memorandum of agreement.
Ito ang kauna-unahang business process management and technology services provider sa probinsiya at magsisimula ang operasyon nito sa Hunyo ng susunod na taon at magkakaroon ng 300 seats para sa 500 tao.
Ayon kay Dan Reyes, Genpact country manager ng Genpact, napili nila ang Bataan para pagtayuan ng business process management and technology services provider, unang-una ay dahil sa bisyon ni Mayor Jose Enrique “Joet” Garcia na gawing university town ang Balanga City sa taong 2020, pangalawa ay dahil napakaayos dito ng peace and order, at pangatlo ay ang mga imprastruktura at matahimik na pulitika.
Sinabi pa ni Reyes, na ang mga nakapag-aral na manggagawa ay napakahalaga sa kanilang kumpanya para makatanggap sila ng mga tauhang matatalino at may kakayahan. Sinabi pang tatanggap din sila ng mga high school graduate kung makasusulit sa kanilang assessment.
‘Di tulad sa ibang probinsiya, ang Bataan ay tahimik. Maayos na naisasagawa ang mga imprastruktura na kailangan ng mamamayan at ang pulitika ay hindi maigiting at mainit na ‘di tulad sa ibang lugar.
Ang pagtatatag dito ng Buseness Process Outsourcing ng Genpact ay dumating sa “Tamang Panahon,” pahayag ni Mayor Garcia. “Ang they God gave us you.” Makahulugang dugtong pa.
Napakaganda talaga ng pagdating na ito ng BPO sa nabanggit na lalawigan. Magbibigay ito ng pagkakataon na makapasok sa magandang trabaho at oportunidad ang mga magsisipagtapos. At sa dami ng mga kolehiyo sa lalawigan, ang pagkakataon ay magiging maamo.
Sinabi naman ni Gov. Abet Garcia na excited sila sa pagpasok ng Genpact. “Isa itong industriya na gusto naming maganyak maraming taon na at ngayon ay narito na nga ang Genpact.
Bukod sa Genpact ay marami pang kumpanya ang naaakit nang magtayo ng negosyo sa Bataan. Maraming nagsisipagsimula na at may ibang nagsisipag-agawan sa mga puwestong mapagtatayuan ng negosyong kanilang binabalak.
Ang peace and order, political climate at maganda at maayos na imprastruktura ang pangunahing pang-akit ng Bataan.
Nakaaakit din ang magagandang lugar na mapapasyalan, mga resort, mga tourist spot na hindi nagpapahuli sa ibang mga lugar sa bansa. (ROD SALANDANAN)