Iniulat ng Department of Health (DoH) na isang bata ang nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala sa Bulacan.

Ayon kay Health Secretary Janette Garin, tinamaan ng bala sa likod ang siyam na taong gulang na babae habang naglalaro malapit sa Ipo Dam, nitong bisperas ng Pasko.

Nagulat na lamang, aniya, ang mga magulang ng bata nang umuwi itong duguan kaya agad na isinugod ang paslit sa East Avenue Medical Center, ngunit kalaunan ay nasawi rin dahil sa tinamong pinsala ng vital organs nito.

Ayon kay Garin, ang bata ang unang kaso ng pagkamatay dahil sa ligaw na bala ngayong taon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kaugnay nito, muling nanawagan si Garin sa mga nagmamay-ari ng baril na maging responsable at huwag magpaputok nito sa pagsalubong sa Bagong Taon bukas.

Samantala, isa namang 11-anyos na lalaki ang naputulan ng isang kamay makaraang masabugan ng paputok sa Roxas City sa Capiz, iniulat kahapon.

Sinabi ng Roxas City Police Office (RCPO) na nagpasya ang mga doktor na putulin ang kaliwang kamay ng bata, na taga-Barangay Lawaan, dahil sa matinding pinsala na natamo ng palad at mga daliri nito dulot ng sumabog na paputok na triyanggulo.

Nabatid na natuklasan ng bata ang pinagtataguan ng paputok sa kanilang bahay at kumuha siya ng tatlong triyanggulo at sabay-sabay na sinindihan ang mga ito, ngunit hindi agad na nabitiwan. (MARY ANN SANTIAGO at FER TABOY)