Mariing pinayuhan ng Department of Health (DoH) ang publiko na iwasan ang mga ilegal na paputok matapos iulat ng ahensiya na halos 80 porsiyento ng kabuuang bilang ng firecracker-related injuries sa bansa ay sanhi ng piccolo.
“Aminin natin, industriya ito. Iyon nga lang, ang nakakabagabag lang dito at nakakalungkot, eh, bawal iyong ibinibenta nila at ang mga naaapektuhan dito ay ang mga bata na walang kamalay-malay.... Siguro konsensiya na lang, paandarin. ‘Wag naman mga anak nila ang maging biktima. Ayaw natin mangyari rin iyon pero what if ganoon ang mangyari?” sinabi ni Lyndon Lee Suy, tagapagsalita ng DoH.
Base sa datos ng DoH-Epidemiology Bureau (DoH-EB), aabot na sa 111 ang kabuuang bilang ng firecracker-related injuries na naitala ng kagawaran nitong Disyembre 21-28. Kabilang dito ang 86 na nasugatan sa kamay at 11 sa mata.
Walumpu’t apat na kaso o 77 porsiyento ng kabuuang bilang ay sanhi ng piccolo, isang ilegal na paputok.
“Ang piccolo very common kasi mabilis mabili. Napakaliit. Madaling maka-access ang mga tao. We heard news na nabibili ito sa bangketa, o tapat ng bahay, ‘yung mga nagtatayo lang ng mesa, sa mga sari-sari store,” sinabi ni Lee Suy.
Aniya, mahalaga ang pakikipag-ugnayan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa ibang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na hindi maibebenta ang mga ilegal na paputok sa publiko.
Sinabi rin ni Lee Suy na puspusan na rin ang kampanya ng DoH upang mamulat ang mamamayan sa peligrong dulot ng mga ipinagbabawal na paputok.
“Nagpapakita na kami ng mga graphics, commercial namin mga putol ang kamay, duguan.... Ganoon ang scenario sa ER [emergency room]. Pero iyong iba malalakas ang loob.”
Bukod sa piccolo, ipinagbabawal din ng awtoridad ang pagbebenta ng five-star, kuwitis at sparkler.
(CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE)