Hiniling ni Sen. Grace Poe ang pagbibitiw ng tatlong mahistrado ng Korte Suprema sa disqualification case na dinidinig ngayon sa kataas-taasang hukuman matapos bumoto ang mga ito sa Senate Electoral Tribunal (SET) na pabor sa kanyang pagkakadiskuwalipika bilang senador.
Sa kanyang mosyon, nais ni Poe na hindi makibahagi si Senior Justice Antonio T. Carpio; at sina Justices Teresita J. Leonardo de Castro at Arturo D. Brion sa pagdinig sa kanyang petisyon na kumukuwestiyon sa pagkakadiskuwalipika sa kanya ng Commission on Elections (Comelec) bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2016 elections dahil sa isyu ng citizenship at kakulangan ng 10-year residency sa Pilipinas.
Sinabi ng abogado ni Poe na si George Garcia na nais ng senadora na hindi makibahagi ang tatlong mahistrado “because they have already prejudged the case, as far as we are concerned, at least on the issue of citizenship.”
Binigyang-diin ni Garcia na hindi binabalewala ni Poe ang integridad nina Carpio, De Castro at Brion.
Una nang naghain si Rizalito David ng motion for reconsideration sa Korte Suprema bunsod ng pagkakabasura ng SET sa disqualification case laban sa senadora.
Dahil dito, inatasan ng Korte Suprema ang SET at ang kampo ni Poe na magkomento sa petisyong inihain ni David at itinakda rin ng korte ang oral argument sa usapin sa Enero 19.
Ilang oras matapos inihain ang petisyon laban sa Comelec resolution na nagdidiskuwalipika kay Poe noong Lunes, nakakuha ang senadora ng dalawang temporary restraining order na pumipigil sa poll body na ipatupad ang kautusan nito.
At dahil naglabas ng TRO ang Korte Suprema, makakasama ang pangalan ni Poe sa listahan ng mga kuwalipikadong kandidato sa pagkapangulo sa opisyal na balota na gagamitin ng Comelec sa susunod na eleksiyon.
Kabilang sa mga nagrekomenda sa paglalabas ng TRO ni Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno, base sa rekomendasyon nina Justices Mariano C. Del Castillo at Marvic Mario Victor F. Leonen, subalit ito ay kailangan pa ring kumpirmahin ng mayorya ng 15 mahistrado sa full court session sa Enero 12. (Rey G. Panaligan)