Aabot sa P22 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) sa buy-bust operation sa Las Piñas City, na dalawang tao ang naaresto.
Ayon kay Supt. Lorenzo Trajano, SPD-District Anti-Illegal Drugs (DAID), maituturing itong isa sa mga “major accomplishment” ng kanyang unit, sa ilalim ng ikinasang “Oplan One Time, Big Time” ngayong Pasko.
Mahigit sa 1.88 kilo ng shabu ang nakumpiska sa buy-bust operation sa panulukan ng CAA Road at Dahlia Streets sa Barangay BF International sa Las Piñas City dakong 7:00 ng gabi noong Disyembre 22.
Kinilala ni Trajano ang mga naaresto na sina Abubacar Diringguin, 28; at Abddulaziz Cuaro, 34, kapwa residente ng Muslim Center sa Carlos Palanca St., Quiapo, Manila.
Kinasuhan sina Diringguin at Cuaro ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, sinabi ni Trajano na umabot na sa 91 ang naaresto sa pagpapatupad ng “One Time, Big Time” sa katimugang bahagi ng Metro Manila.
Kabilang sa Top 10 Target Illegal Drugs Personalities na natimbog sa lugar na nasasakupan ng SPD sina Elmer Jamir, sa Muntinlupa; Wilfredo Cruz at Racquel Nacional, sa Pateros; Adrian Camacho, sa Pasay; Richard Bactad, sa Taguig; Samy Leyros at Samy Mark Manalo, sa Parañaque; Felicidad Cusi at Cecilio Asaytono, sa Las Piñas; at Cesar Aligada sa Makati. (Rachel Joyce E. Burce)